
Harlene, ang ‘Bigyan ng jacket yan’ naging ‘What’s up Madlang People!’
BINISITA ng beauty queen at GMA comedienne-actress na si Herlene Budol o kilala rin bilang “Hipon Girl” ang noontime show na “It’s Showtime” bilang opening guest performer.
Sa episode ng noontime show nitong Miyerkules, Agosto 30, nag-perform si Herlene kasama ang It’s Showtime girl group na “Baby Dolls.”
Habang nakikipag-chikahan ang mga hosts, energetic na binati ni Herlene ang viewers at sinigaw ang “What’s up, Madlang People!”
Samantala, “plot twist” namang maituturing ni Box-office Superstar Vice Ganda ang pagbisita ni Herlene sa nasabing noontime show.
“Tignan mo nga naman ang plot twist. Dati ang isinisigaw mo, ‘Bigyan ng jacket ‘yan!'” pahayag ng It’s Showtime host.
Matatandaang nag-umpisa ang career ni Herlene sa showbiz matapos maging host sa “Wowowin” noon kasama si Willie Revillame na nakilala rin sa kanyang mga linya na “bigyan ng jacket ‘yan!”
Inamin din ni Herlene na matagal na niyang nais isigaw ang “What’s up, Madlang People!”
“Oo, sa vlog niya [Ryan Bang] lang ako dati sumisigaw ngayon nakasigaw na ko rito. Thank you so much,” wika ng beauty queen.