Allan

Hanggang saan

June 28, 2024 Allan L. Encarnacion 67 views

WALANG makapagsasabi kung hanggang kailan at kung hanggang saan ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado sa isyu ng Pogo o Philippine Offshore Gaming Operations.

Para sa kaalaman ng mga hindi pamilyar sa Pogo, ito iyong online gambling na ang target market ay mga gambler sa abroad. Legal ito dahil pinapayagan ng Philippine government at may nakukulektang buwis mula rito.

Ang teleserye ng imbestigasyon sa Senado ay hindi nakapokus sa gambling. Doon sila sa mga kabit-kabit na problemang dala ng Pogo dahil may mga kangaroo operation din pala or illegal Pogo kung saan-saang parte ng bansa kaya nagkaroon ng mga raid ang mga awtoridad.

Nagsimula ang raid sa Bamban, Tarlac, nakarating sa Porac, Pampanga. Pero bago sa bayan ni suspended Mayor Alice Guo, may mga pagkilos din laban sa illegal Pogo sa iba’t ibang parte ng Metro Manila.

Mula sa illegal operations, napunta na sa mga personalities ang isyu ng Pogo. Inaalam na ngayon kung sino ang nakabuntis sa isang maid na ang iniluwal ay isang batang Alicia!

Napunta na rin sa human trafficking, torture , kidnapping, murder at may triad na anggulo na ang Pogo.

Hindi pa man nakakausad kay Alicia, may mga panibagong pangalan na naman ang inilutang.Naghalo-halong kalamay na talaga ang Pogo issue.

Mula Pogo, napunta kay Pogi at sa kanyang kompanyang nagsumite ng aplikasyon sa Pagcor for and in behalf sa Lucky South 99. Uulitin natin, kailangan malinaw, ang Pogo dito sa ating bansa ay legal. Kung nag-apply ng lisensiya ang kompanya para sa Lucky South99, ibig sabihin, nagpapasakop sila sa pamahalaan na tama naman.

Ang consultancy company ay kagaya rin yan ng mga PR office at Law office na may kanya-kanyang kliyente. Karawaniwan sa mga ganitong opisina, one shot deal lang. Halimbawa, si Atty A ay may kliyenteng naakusahan, kapag natapos na ang kaso, absuwelto man o kulong, tapos na rin ang legal service.

Ganoon din sa PR job. Pangkaraniwan na ang limited engagement, halimbawa 3 months or hanggang 1 year depende sa laki ng problema. Kapag natapos ang isyu, tapos na ang trabaho ng PR. Parang ganyan din ang consultancy ng kompanya, pagkatapos nilang maproseso ang lisensiya para sa Lucky South99, tapos na rin ang serbisyo nila. Ang balita natin, nang mag-apply for renewal ang Lucky South, ibang kompanya na naman ang kanilang kinuha dahil nga tapos na ang serbisyo nila Cunanan.

Sa totoo lang, ang talagang dapat tutukan ng Paocc at ng Senado ay ang mga illegal Pogo operations, lalo na kung may ginagawang torture or kidnapping sa kanilang mga empleyado.

Ang pagsusumite ng aplikasyon para sa lisensiya ay walang tayong nakikitang illegal.

Pero dapat ay maingat din tayo na mistulang “shakedown” ng mga legal Pogo dahil nagbibigay rin ito ng masamang senyales sa ibang industriya ng negosyo na wala namang kinalaman sa offshore gaming.

[email protected]