Default Thumbnail

Halos 39K katao apektado ng pag-aalburuto ng Mayon

June 19, 2023 People's Tonight 146 views

UMAKYAT na sa 38,961 katao ang naapektuhan sa patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Sa datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC umaga ng Hunyo 19, 2023, katumbas ito ng 10,146 pamilya mula sa 26 barangay sa Albay.

Sa tala ng NDRRMC, 5,466 pamilya o 18,892 katao ang nasa evacuation centers habang 353 pamilya o 1,235 katao ang mas piniling tumuloy sa kanilang kaanak sa ligtas na lugar.

Nakapagtala din ang NDRRMC ng 628 katao na nasugatan simula nang mag-alburuto ang bulkan sa Region 5.

Umabot na rin sa P71.5 milyong halaga ng tulong ang naiabot ng gobyerno sa mga naapektuhang pamilya.

Nanatiling nasa Alert Level 3 ang Mayon at nitong Lunes ay nagpakita ito ng senyales ng mas malakas na magmatic unrest kung saan nakapagtala ang Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) na 265 rockfall events at mahinang pag-agos na lava.

AUTHOR PROFILE