Verzosa Si LTO-NCR Regional Director Roque I. Verzosa III. Larawan mula sa LTO-NCR

Halos 2K ‘pasaway’ na tsuper tiklo sa LTO-NCR

June 13, 2023 Jun I. Legaspi 416 views

HALOS 2,000 “pasaway” na drivers at riders ang inaresto ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) sa buwan ng Mayo.

Ayon kay LTO-NCR Regional Director Roque I. Verzosa III, pangunahing dinakip ay mga drivers na nagmamaneho ng hindi naka-protective seat belt at mga motorcycle riders na walang suot na standard protective helmet o Republic Act 10666 (RA) (Children Safety on MC Act).

Ayon kay Verzosa, personal na pinangasiwaan ni Assistant Regional Director Hanz G. Lim ang mga operations kasama ang personnel ng LTO-NCR-Law Enforcers.

Sa halos 2,000 pasaway na drivers, 255 ang nahuli dahil sa paglabag sa hindi pagsusuot ng prescribed seat belt device, 57 ang hindi pagsusuot ng tamang helmet, hindi pagdadala ng Certificate of Registration/Official Receipt, pagmamaneho ng naka-tsinelas, expired driver’s license, overloading, at reckless driving.

Bukod pa rito, binanggit ni Verzosa na ayon sa ulat mula kay Lim, 253 pasaway na drivers ang tinuruan “on the spot” tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa mga regulasyon sa trapiko.

Binigyang-diin ni Verzosa na ang kanilang programa ay ayon sa mahigpit na kautusan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime “Jimmy” J. Bautista at LTO OIC (Officer-in-Charge)-Assistant Secretary Atty. Hector A. Villacorta, na tiyakin laging naisasakatuparan ang “Road Safety” sa lahat ng panahon.

Sinabi ni Verzosa na ang mga operasyong ito ay isasagawa sa buong taon.

Dagdag pa ni Verzosa ang mga deputized enforcers ng LTO-NCR mula sa DPWH ay nakahuli rin ng 781 na mga drayber dahil sa paglabag sa RA 8794, o Anti-Overloading Law.

Sa kabuuan, ang bilang ng mga paglabag na naitala ay 1,737, habang ang kabuuang bilang ng mga nahuling/tiniketan (Temporary Operator’s Permit) ay 1,563.

AUTHOR PROFILE