Hairstylist, 68, pinukpok ng martilyo sa ulo, sinaksak ng binatang ‘minolestiya’
SUGATAN ang 68-anyos na hairstylist matapos pukpukin ng martilyo sa ulo at saksakin ng ilang beses sa katawan ng binatilyo na minolestiya niya umano nitong Miyerkules ng gabi sa Quezon City.
Nasa kustodiya na ng La Loma Police Station ang 16-anyos na suspek na residente ng Bgy. Damayang Lagi.
Patuloy na inoobserbahan sa Quezon City General Hospital ang biktima na residente ng Barangay Apolonio Samson, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PMSg Harold Jake Dela Rosa nangyari ang insidente alas diyes ng gabi, Nobyembre 15, 2023 sa bahay ng biktima.
Bago umano mangyari ang insidente ay inimbita ng biktima ang suspek sa kaniyang tahanan upang mag-dinner, napagkasunduan din umano ng suspek at ng biktima na magtatalik sila kapalit ng P1000.
Matapos kumain ng dalawa ay inutusan umano ng biktima ang binatilyo na maligo.
Matapos maligo ay nagulat umano ang suspek nang makita ang nakahubad na biktima.
Sinabihan umano siya ng biktima na umupo sa kama. At saka pinatay ang ilaw.
Sinimulan na umano ng biktima na gawan ng kahalayan ang suspek.
Tumanggi umano ang suspek sa mga pinapagawa sa kanya ng biktima at humantong ito sa pagtatalo.
Sa gitna ng komprontasyon ay kinuha umano ng suspek ang martilyo at pinukpok ng dalawang beses sa ulo ang biktima.
Hindi pa umano nakuntento ay kumuha ang suspek ng kutsilyo at sinaksak ng ilang beses ang biktima sa katawan.
Ang nangyari ng komosyon ay narinig ng mga kapitbahay ng biktima at agad na humingi ng tulong sa barangay Apolonio Samson.
Agad na isinugod sa QCGH ang biktima habang napigilan naman ng baranggay ang papatakas na suspek.
Natagpuan ng pulisya sa crime scene ang kutsilyo at martilyo na ginamit ng suspek.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya.