Default Thumbnail

Hair stylist na-akyat bahay habang tulog

June 25, 2023 Jonjon Reyes 258 views

NASALISIHAN ng mga mahahalagang gamit ang isang 38-anyos na hair stylist at tanging isang pares lamang ng slippers ang nabawi sa isang kaanib ng Commando Gang, makaraang masakote ito ng mga tambay sa Tondo, Manila, madaling araw nitong Linggo.

Gayunman, natimbog habang papatakas ang suspek na nakilalang si alyas Macmac, binata, ng KBS Compound, Kapanalig Street, Caloocan City

Desidido naman na magsampa ng reklamo ang biktima na si Bernabe Jr., ng Almario Street Barangay 52 Zone 4, Tondo.

Base sa ulat na nakarating kay Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, Manila Police District-Jose Abad Santos Police Station 7 commander, bandang 2:30 a.m. nang naalimpungatan ang biktima matapos makarinig ng ingay at makitang papatakas ang suspek.

Agad humingi ng tulong ang biktima sa mga tambay sa lugar at mga barangay tanod na nagroronda. Agad namang nahuli ang akyat bahay na suspek.

Ayon sa biktima, bukas umano ang kanyang pintuan kaya nakapasok ang suspek.

Matapos matimbog, nadiskubre pa ng biktima na nawawala ang kanyang driver’s license, pera, bukod pa sa dalawang pares na Nike slippers na nagkakahalagang P1,600 isa.

Isang pares lamang ng tsinelas ang narekober sa suspek.

Dahil dito , nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 308, ng Revised Penal Code (theft).

AUTHOR PROFILE