Allan

Habaan pa ang pasensiya

April 3, 2025 Allan L. Encarnacion 301 views

HINDI na tayo magdadagdag ng budbod ng asin sa sakit na inabot ng magkabilang panig sa nangyaring road rage sa Boso-Boso, Rizal na ikinamatay ng isang rider, ikinasugat ng iba pa at pagkakakulong ng gun man.

Maraming naglalabasang video na naggdedetalye ng mga pangyayari bago pa ang malagim na ending ng insidente.

May kanya-kanyang opinion ang lahat, may magkakaibang bersiyon na mahirap timbangin kung isa ka lamang miron na nakikiusyong tambay.

Hindi natin alam kung sino ang totoong may kasalanan at hindi rin natin masabi kung angkop ba ang naging wakas. Pero isa lang ang sigurado, may hindi nagparaya, may hindi nagpasensiya, may nagdingas ng galit kung saan mang panig.

Pero katulad ng palagi nating sinasabi, walang anumang pagkilos ang makapagbibigay ng katwiran para magkasakitan, lalo na ang magkapatayan.

Kaya nga importante ang pag-usog-usog ng konti, iyon bang konting bagay ay hayaan mo na, palagpasin mo na dahil hindi mo alam kung hanggang saan ang hantungan ng iyong galit.

Tandaan mo ito palagi, pag labas na pag labas mo ng kalsada, nariyan ang lahat ng klase ng tukso, lahat ng uri ng pang-uudyok at lahat ng klase ng insidenteng susubok sa iyong katatagan.

Hindi ko alam kung anong mayroon sa harap ng manibela at bakit ito ang nagiging batayan ng pagkatao ng nagmamaneho. Iyong magitgit ka lang, iyong masingitan ka lang, iyong maunahan ka lang, pakiramdam mo ay inapakan na iyong pagkatao—-or ang iyong pagkakalalaki.

Hindi ito tama, hindi dapat maging tsapa ng iyong katapangan ang paghawak ng manibela. Kung maikukuwento ko lang sa inyo ang lahat ng klase ng pinagdaanan ko sa kalsada halos araw-araw, baka masaker na ang pinakamababa kong kinasangkutang kaso.

Baka hindi nyo pa naranasan na nakahinto kayo sa gitna ng traffic light while waiting mag-green ay biglang may jeep na magka-cuttring trip at bubundulin ang harapan ng kotse mo. Ang jeep ay walang head light, pingas ang plaka at walang lisensiya ang driver. At ang matindi, sa one way siya pumasok!

O kaya naman, pumaparada ka sa kambingan biglang may hahagibis sa iyo na pickup at wasak ang bagong-bago mong SUV tapos ikaw ang sasabihing may kasalanan.

Isipin mo, pumaparada ka lang, siya naman kumakaripas tapos ikaw daw ang may kasalanan. Iyon pala, may kaharutan lang babae sa loob ng sasakyan habang humahagibis kaya niya ako nabundol.

O kaya naman, habang nakapila ka at waiting na makaalis sa slot ng mall ang isang sasakyan, nang mabakante, bigla kang sisingitan ka ng isang sigang pulis na may PNP special plate. Kakaiba di ba?

Kung mainitin ang ulo ko at inuhahan ko ng ego, dalawang bagay ang posibleng nangyari, nagmurahan kami at malamang ay nagkasakitan dahil sa mga insidenteng iyon.

Madalas, ipinagpapasa-Diyos ko na lang ang mga ganitong insidente, ang paniwala ko, it wont make me a lesser man kahit inapakan na niya ako o lumagpas na siya sa kanyang hangganan.

Basta ako, uuwing ligtas at may pagpapasalamat sa mga positibong nangyayari sa aking buhay sakabila ng mga pagsubok ng maghapon. Uuwi ako sa pamilyang walang anumang nangyaring masama sa akin sa kabila ng mga insidenteng talagang uubos ng iyong pasensiya.

Gigising ako sa bagong umaga na puspos ng pagpapasalamat sa Panginoon at muling makikipagmabutihan sa aking kapwa.

Huwag masyadong mainitin ang ulo bata, matuto ka lang magparaya at magpasensiya. Iba pa rin ang gumalagaw sa. mapayapang mundo.

[email protected]