BBM

H2O supply sa CDO pinatutukan ni PBBM

May 16, 2024 Chona Yu 116 views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Local Water Utilities Administration sa posibleng pamamahala sa Cagayan de Oro Water District.

Pahayag ito ni Pangulong Marcos matapos mabatid na malaki ang suliraning kinakaharap ng lungsod sa supply ng tubig.

Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng El Nino sa Cagayan de Oro City, sinabi nito na kailangang mapag-aralan sa lalong madaling panahon ang solusyon sa suplay ng tubig sa lungsod.

“Hindi lang sa supply ng tubig, pati ang pagtukoy ng angkop na water rate at pagtupad sa mga obligasyon nito sa mga konsumer at sa ating mga supplier,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Hindi natin hahayaan na mapagkaitan ang mga tiga-Cagayan de Oro ng kanilang karapatan na magkaroon ng sapat, malinis at ligtas na supply ng tubig,” dagdag ng Pangulo.

Kasabay nito, kinausap na rin ni Pangulong Marcos ang business tycoon na si Manny Pangilinan ng Cagayan de Oro Bulk Water Inc. para manumbalik ang normal na supply ng tubig habang humahanap ng pangmatagalang solusyon sa problema.

“Pumayag po si Mr. Pangilinan sa ating pakiusap at handa po siyang makipag-usap upang matuldukan na ang suliraning ito at mabigyan ng kinakailangang tubig ang lampas 60,000 kababayan dito sa CDO,” pahayag ni Pangulong Marcos.

AUTHOR PROFILE