
GUSTO MO ITAGO KO ULO MO?
Sekyu sa gf matapos di mabigyan ng pera pangkain
“GUSTO mo paghiwalayin ko ang katawan mo? Itago ko ang ulo mo?”
Ganito ang banta ng 39-anyos na sekyu sa kanyang kinakasama matapos tutukan ng baril at hablutin ang buhok nang mabigo ang ginang na magbigay ng perang pambili nila ng pagkain, Biyernes ng gabi sa Valenzuela City.
Nadakip naman ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr. ang suspek na si alyas “Aguilar” nang puntahan nina P/SSg. Cherry Signap at Pat. Jonas S. Villaflor ng Malinta Police Sub-Station 4 sa kanilang tirahan sa Barangay Pasolo.
Ito’y matapos maghain ng reklamo ang 44-anyos na ginang na itinago sa alyas “Dulce” na may maliit na tindahan sa kanilang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg. Julius Congson at P/CMS Laerma Sarmiento na tinutukan ng baril ni Aguilar ang kalive-in nang magtalo sila, matapos hindi makapagbigay ng perang pambili ng pagkain ang ginang.
Hindi pa nasiyahan, hinatak ng suspek ang buhok ng kalive-in at sinabihan ng katagang, “Magpok-pok ka na lang, kikita ka pa ng P1,500 kada araw.” Pagkatapos ay hinila na palabas ng bahay ang biktima para palayasin.
Nagtungo naman sa kanyang tindahan ang ginang subalit sinundan siya ng suspek at doon na tinakot na papatayin at cho-chop chopin ang katawan.
Dito na ipinasiya ni Dulce na maghain ng reklamo sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip kay Aguilar.
Nakuha sa suspek ang kalibre .9mm na pistola na may walong bala sa nakalagay na magazine na nakasukbit pa sa kanyang baywang gamit ang isang holster.
Ayon kay Destura, nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act (RA) 9262, o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at RA 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, si Aguilar sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.