
Granada, baril, shabu nakuha sa 2 lalaki sa Munti, Malabon
GRANADA, baril at shabu ang nakumpiska ng pulisya sa dalawang lalaki sa magkahiwalay na lugar Linggo ng madaling araw at Sabado ng hapon sa Muntinlupa at Malabon Cities.
Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation and mga tauhan ng Intelligence Section ng Muntinlupa police dakong alas-12:30 ng madaling araw nang matiyempuhan nila ang isang lalaki na nakaupo sa isang eskinita hawak ang isang granada.
Kaagad nilapitan at dinakip ng mga pulis ang suspek na nakilalang si Patrick Revilla, 24, ng Barrio Bisaya, Brgy. Alabang na ngayon ay nahaharap sa kasong illegal possession of explosive sa piskalya ng Muntinlupa City.
Nauna rito, nadakip ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang pedicab driver na si Eduardo Co, 38 ng Cristina St. Brgy. Panghulo matapos inguso ng kanyang ka-lugar sa pagdadala ng sumpak.
Dakong alas-3:30 ng hapon ng araw ng Sabado nang dakpin ng mga tauhan ni Capt. Joseph Alcazar, commander ng Malabon Police Sub-Station 3 si Co, sa Dulong Bautistta St. Brgy. Panghulo.
Bukod sa 12-gauge na sumpak na may kargang bala, nakumpiska rin sa suspek ang shabu na tumitimbang ng 0.6 gramo na may katumbas na halagang P4,080.