
Grab driver natagpuang naaagnas sa minamanehong sasakyan sa QC
NAAAGNAS na ang isang Grab driver ng matagpuan sa minamanehong sasakyan sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City noong Lunes.
Sa ulat ng Project 6 Police Station sa pamumuno ni P/Lt. Col. Roldante Sarmiento, 61-anyos ang biktima at residente ng Brgy. 761, Zone 82, Sta. Ana, Maynila.
Natagpuan ang biktima ng kapwa niya Grab driver dakong alas-6:00 ng umaga.
Batay sa imbestigasyon, nakita ng isang testigo ang biktima na walang malay sa loob green Toyota Vios (NID 2981) sa tapat ng Court of Tax Appeals, southbound lane ng Miriam Defensor Santiago Avenue (dating Agham Road).
Humingi ng tulong ang saksi sa mga security guard na nag-ulat naman ng insidente sa police station.
Sa ocular inspection ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team, natukoy na walang panlabas na sugat ang biktima.
Ang labi ng biktima isasailalim sa autopsy upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay.
“Patuloy ang malalim na imbestigasyon ng QCPD upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng biktima at upang malaman kung may iba pang indibidwal na may kinalaman sa insidente,” ayon kay P/Col. Randy Glenn Silvio, officer-in-charge ng Quezon City Police District.