Laurel

Govt handa maglabas ng funds sa agri modernization

June 25, 2024 Cory Martinez 69 views

TINIYAK ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na handa maglaan ang pamahalaan ng pondo para suportahan ang modernisasyon sa agrikultura at mapabuti ang buhay ng mga magsasaka.

Ginawa ni Tiu Laurel ang pagtiyak para mapawi ang pangamba ng mga magsasaka sa desisyon ng pamahalaan na ibaba ang taripa sa mga imported farm products, lalung-lalo na ang bigas.

Inisyu ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Executive Order 62 na naglalayong ayusin ang classification at rate ng import duties, kabilang ang pagbawas sa rice import duties at panatilihing mababa ang rate ng ilang produktong agrikultura upang mapababa ang presyo para sa mga mamimili.

Epektibo sa Hulyo ang 15 porsyento taripa sa imported rice na dating 35 porsiyento.

Binatikos ng mga grupo ng magsasaka ang EO 62 dahil pasakit daw ito sa mga magsasaka. Mababawasan umano ang pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund kapag ipinatupad ito.

Ayon pa kay Tiu Laurel, nararapat na ipatupad ang EO 62 upang masolusyunan ang mataas na pandaigdigang presyo ng bigas para makinabang ang mga konsyumer sa pamamagitan ng pansamantalang pagbaba ng presyo ng bigas.

Plano din ng DA na dagdagan ang suporta para sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang kagamitan sa pagsasaka at fertilizer upang tumaas ang produksiyon nila.

Samantala, ipagpapatuloy naman ng National Food Authority (NFA) ang pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka sa tamang halaga para matiyak ang matatag ang kanilang kita.

Bilang tugon sa mga programa ng Pangulo, sinusuportahan ng NFA Council ang plano ng DA na magsuplay ng sapat ng rice stock sa ilalim ng Bigas 29 project.

Nilalayon ng proyekto na magbigay ng abot-kayang presyo na bigas sa halagang P29 kada kilo sa may 34 milyong mahihirap na Pilipino kabilang na ang mga single parent, senior citizen at persons with disability (PWD), sa pamamagitan ng mga KADIWA center sa buong bansa.

Sinabi pa ng kalihim na magtatayo pa ang National Irrigation Administration ng maraming water impounding dams at magpapatupad ng solar-powered irrigation at solar pump systems upang paghandaan ang La Niña.

Ito aniya ay upang mapamahala nang mabuti ang sobra-sobrang tubig at ilihis ito sa mga lugar na mas kailangan ang tubig.

Dagdag pa ni Tiu Laurel na tinitiyak ng pamahalaan ang pagbalanse sa pangangailangan ng konsyumer at mga magsasaka sa gitna ng umiimbulog na economic condition.

AUTHOR PROFILE