Gonzales

GONZALES NAGBABALA VS BANTA NG KARAHASAN SA HALALAN

April 24, 2025 People's Tonight 69 views

Nagbabala si House Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa kanyang mga kababayan at sa publiko laban sa pagpapalaganap ng mga banta ng karahasang may kaugnayan sa pulitika o halalan.

Ginawa ni Gonzales ang panawagan matapos nitong mabasa sa social media ang isang post ukol sa umano’y pahayag ni negosyanteng si Rodolfo “Bong” Pineda, patriarch ng pamilyang Pineda sa Pampanga, na nagbanta na siya ay sasaktan.

Ipinahayag ng Senior Deputy Speaker ang kanyang hindi paniniwala sa nasabing banta.

“Hindi ako makapaniwala at hindi ako naniniwala na masasabi at magagawa sa akin ni Mr. Bong Pineda ‘yun. Marahil, may sektor o indibidwal na gustong gumawa ng gulo. Iniintriga kami at gusto kaming pagsabungin. Pero, malayong mangyari ‘yan,” aniya.

Sinabi ni Cong. Dong na hindi sila magkaaway ng mga Pineda.

“Hindi naman kami magka-away. Hindi ako nakikialam sa ibang distrito. Marami kaming inaasikaso sa Tersera Distritu. Duon lang kami naka-focus at sa pagtulong sa iba nating kababayan.

Nagpapasalamat ako at ang aking pamilya sa aming mga ka-distrito sa patuloy na suporta nila sa amin,” aniya.

Ayon sa ulat, ang sinasabing pahayag ni Pineda ay naganap sa isang pagpupulong kasama ang mga punong barangay mula sa bayan ng Mexico. Ang pagpupulong ay iniulat na naganap noong Easter Sunday sa Pradera resort sa bayan ng Lubao.

Umapela si Gonzales sa kapwa niya Kapampangan na iwasan ang pagpapalaganap ng mga impormasyong maaaring hindi totoo, sa social media man o anumang paraan.

Ang kanyang panawagan ay kaakibat ng nauna na niyang panawagan ilang araw na ang nakalilipas sa mga ahensya ng gobyerno na protektahan ang mga botante at ang publiko laban sa disimpormasyon at maling impormasyon.

AUTHOR PROFILE