Jaclyn

Ginintuang pamana ni Jaclyn kikilalanin ng Senado

March 5, 2024 Ian F. Fariñas 151 views

Jaclyn1DiegoISA si Senator Robin Padilla sa mga nabigla’t nalungkot sa biglaang pagpanaw ng premyadong aktres na si Jaclyn Jose dahil sa atake sa puso nitong Sabado, March 2.

Sa maikling interbyu na ibinigay ng aktor-politiko sa red carpet premiere ng Viva Films movie na A Glimpse of Forever na pinagbibidahan ni Jasmine Curtis-Smith, dati niyang ka-kuwadra sa Vidanes Artist Management, sinabi ni Sen. Robin na malapit silang magkaibigan ni Jaclyn.

“Malapit po sa akin si Ma’am Jaclyn dahil dati iisa kami ng produksyon, Double M. May ginagawa kami parehong pelikula. Ako, Barumbado, siya naman meron ding ginagawa pelikula noon.

“Siya ‘yung bida nu’ng mga panahon na ‘yon. Nagkikita kami sa opisina ng Double M. Tapos nu’ng ginawa ko rin ‘yung Lab Kita, Bilib Ka Ba?, kasama ko rin po siya. Magkaibigan kami ni Ma’am Jaclyn. ‘Pag nagkikita nga kami nu’n, “batch” ang tawagan, eh,” panimula ng mister ni Mariel Rodriguez.

Kaya naman gaya na marami, ikinabigla umano niya ang balitang sumakabilang-buhay na ang ina ni Andi Eigenmann.

Pagbabalik-tanaw niya, nagkasama pa sila ni Jaclyn noong panahon na inaayos ng mga taga-industriya ang Eddie Garcia Bill sa Senado.

“Siya pa ‘yung nag-rally ng mga artista na pumunta du’n sa unang public hearing. Kaya talagang ang ginawa namin sa Senado, kasama ko sina Ma’am Grace (Poe), Sir Jinggoy (Estrada), si Sir Bong (Revilla), si Sir Lito Lapid, gumawa kami ng resolution para kilalanin ang kanyang talino sa pag-arte. Kasi siya ‘yung nagbigay sa atin ng karangalan sa Cannes Film Festival, best actress.

Isang ano ‘yon, isang ginintuang pamana sa atin,” pagbabahagi ni Sen. Robin.

Matatandaan na sa buong Southeast Asia, si Jaclyn ang kauna-unahang nakapag-uwi ng naturang parangal mula sa prestihiyosong international film festival para sa pelikulang Ma’Rosa ni Direk Brillante Mendoza noong 2016.

Diin ni Sen. Robin, “Siya pa lang, siya pa lang, wala pong iba na nagbigay talaga ng karangalan sa atin. Sa buong mundo po ang Cannes, tandaan po natin. ‘Yan po ang nagbibigay ng parangal. Ibig sabihin, napakagaling mo na ‘pag nanalo ka ru’n.”

Samantala, bukod kay Sen. Robin, dumalo rin sa A Glimpse of Forever premiere sa SM Megamall ang nakatatandang kapatid ni Jasmine na si Anne Curtis, Krissha Viaje, Andrea del Rosario, Marion Aunor, Andrea Babierra, Hashtag Ryle, Hashtag Vitto, atbp.

Mula sa direksyon ni Jason Paul Laxamana, cute ang nasabing romance-drama-sci-fi film na kinabibilangan din nina Diego Loyzaga (bilang Kokoy) at Jerome Ponce (bilang Dante).

Ginagampanan ni Jasmine ang papel ni Glenda, isang babae na may pinagdaraanan sa buhay pag-ibig kaya susubukan ang virtual dating studio na “ForeVR.”

Dito niya makikilala at makaka-date si Kokoy, a.k.a. “The Boy Next Door,” na sa una’y makakaaway niya pero sa kalaunan ay kaiinlaban din.

Sa ForeVR, Glenda will feel heard and seen.

Showing na sa mga sinehan ang A Glimpse of Forever simula ngayong Miyerkules, March 6.

AUTHOR PROFILE