
GINAWANG ‘PINIKPIKAN,’ TIGOK!
Lalaki pinukpok ng half brother hanggang matepok
ISANG 58-anyos na mister ang nasawi matapos na hatawin ng malaking tipak ng bato sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng kanyang half brother bunsod ng mainitang pagtatalo nila, nitong Biyernes ng gabi sa Barangay Matinik, Lopez, Quezon.
Dead on the spot ang biktima na nakilalang si Armin Bulilan Dimalibot na nagtamo ng matitinding sugat sa katawan, partikular na sa ulo at mukha nito.
Nahaharap naman sa kasong parricide ang suspek na kinilalang si Manny Bulilan Cero, nasa hustong gulang at half brother ng biktima.
Batay sa ulat ng Calabarzon Police, ang insidente ay naganap dakong 11:30 ng gabi sa Bgy. Matinik sa Lopez.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa sa burol ng kanilang tiyuhin sa nasabing lugar, dahilan upang umuwi ang biktima.
Gayunman, sinundan siya ng kanyang kapatid at pagsapit sa madilim na bahagi ng lugar ay agad siyang pinagpupukpok ng malaking tipak ng bato sa ulo at katawan. \
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang maaresto ang suspek.