
Ginang namimigay ng pera
Huli sa akto!
HULI sa akto ng pamamahagi ng salapi ang 51-anyos na ginang sa isinagawang “Operation Kontra-Bigay” ng pinagsanib na puwersa ng Commission on Elections (Comelec) at pulisya, Miyerkules ng umaga sa Navotas City.
Aabot sa kabuuang halagang P363,900 na nakalagay sa mga envelope na may lamang tig-P300 ang nakumpiska ng Comelec at pulisya sa naturang operasyon na isinagawa dakong alas-11 ng umaga sa isang bodega ng malaking kumpanya ng sardinas sa Policarpio at M. Naval streets, Barangay San Jose,
Ang operasyon ay pinangunahan nina election officer Atty. Greg Bonifacio at Navotas police chief PCol. Mario Cortes.
Kasama rin sa isinagawang Operation Kontra-Bigay ang mga tauhan ng Northern Criminal Investigation and Detection Group, Navotas Police Sub-Station 3, Station Investigation and Detective Management Section at Station Intelligence Unit ng Navotas police.
Lumabas sa imbestigasyon na nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad hinggil sa maramihang pagtungo ng mga tao na aabot sa 200 sa bodega ng sardinas na pawang mga rehistradong botante ng Bgy. Longos sa Malabon City na may kaugnayan sa nalalapit na halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan.
Depensa naman ng 51-anyos na ginang na residente ng Prosperidad Street, Bgy. Tugatog, Malabon City, nagsasagawa lamang sila ng “training” o pagsasanay sa mga itatalagang watchers sa halalan upang magkaroon sila ng kaalaman sa wastong pagbabantay ng balota.
Hindi naman naipaliwanag sa ulat kung bakit kinakailangang mamahagi ng envelope na may lamang salapi ang ginang sa mga dumalo sa sinasabing pagsasanay sa mga watchers.