Gerald

Gerald walang balak sumabak sa politika

October 3, 2024 Vinia Vivar 252 views

Sa gitna ng sunod-sunod na filing of candidacy ng ilang mga artista na tatakbo sa 2025 midterm elections, inihayag ni Gerald Anderson na wala siyang kabalak-balak na sumabak sa politika.

Parati ngang natatanong ang aktor kung may plano siyang kumandidato sa eleksyon dahil nakikita nga ng lahat ang mga pagtulong na ginagawa niya sa ating mga kababayan tuwing may kalamidad.

Pero ayon sa aktor, happy na siya na nakakatulong at hindi na kailangang tumakbo pa siya sa anumang posisyon.

“I’m just happy to be in a position where I can also help. Nagagamit ko naman ‘yung platform ko eh,” sey ni Gerald sa latest interview ng ABS-CBN.

Aniya pa, alam niya ang hirap na maging politiko at hindi siya papasok sa isang bagay na hindi siya handa.

“May mga kaibigan ako in politics, I know it’s very hard, napakahirap nu’n, and I wouldn’t jump into something na hindi ako handa or hindi ko pinag-aralan because people’s lives are at stake,” he said.

Simula nang maging bahagi ng Philippine Coast Guard Auxiliary Search and Rescue, aktibong-aktibo na si Gerald sa pagtulong sa ating mga kababayan tuwing may bagyo’t baha.

Matatandaan na nag-viral ang ginawang pag-rescue ni Gerald sa mga biktima ng baha dulot ng bagyong si Carina last July.

Katakot-takot na papuri ang tinanggap niya mula sa mga netizen at binigyan din siya ng parangal ng PCG sa ipinakitang kabayanihan.

AUTHOR PROFILE