Gerald Anderson & Julia Barretto

Gerald, takot kina Julia at Marjorie — Dennis

July 30, 2023 Vinia Vivar 425 views

Inamin ni Dennis Padilla na may tampo siya kay Gerald Anderson, boyfriend ng anak niyang si Julia Barretto.

Sinabi ito ng komedyante sa kanyang panayam sa latest vlog ni Ogie Diaz.

Ayon kay Dennis, noon pa niya gustong makausap si Gerald pero hanggang ngayon ay hindi nakikipag-usap sa kanya ang binata.

“There was a time, si Andrew E., I think, nagkita sila sa event ni Gerald. Ang sabi ni Andrew E., ‘Gerald, kausapin mo naman si Tito Dennis mo, gusto ka lang namang makausap nu’n.’ Ang sabi ni Gerald, ‘yes, tito Andrew.’ Pero hindi naganap,” kwento ng tatay ni Julia.

One time naman, nagkita si Gerald at ang kanyang kapatid na si Gene Padilla sa isang basketball game sa General Santos City.

Kasama rin si Dennis sa mga naglaro pero sa naunang game raw siya sumalang.

Sinabihan daw ni Gene si Gerald na puntahan siya sa hotel para magkausap sila. Pero hindi rin ito ginawa ng BF ng kanyang anak.

“So, kung gusto talaga ako ni Gerald na kausapin, dapat kinausap na niya ‘ko. Eh, hanggang ngayon, hindi niya ako kinakausap, eh,” aniya.

Baka raw nagpapa-good shot si Gerald sa ina ni Julia na si Marjorie Barretto kaya ayaw siyang kausapin.

“Siguro mas importante sa kanya na good shot siya kay Marjorie pero sa akin, kahit bad shot siya, okay lang sa kanya. ‘Yun ang pakiramdam ko,” he said.

“Kung ayaw niya akong kausapin, wala na akong magagawa. Ako, gusto ko siyang makausap, pero kung ayaw niya, ayoko na rin,” sabi pa ni Dennis.

Tinanong ni Ogie kung ano ba ang gusto niyang sabihin kay Gerald.

Ani Dennis, “Gusto ko lang sabihin sa kanya na ‘eto mga nangyari, uulitin ko lang sa ‘yo, nu’ng nag-usap tayo, ‘eto ‘yun, ibabalik ko lang sa ‘yo.’ Gusto kong sabihin sa kanya, ‘ipapaalala ko lang sa ‘yo na ‘yung girlfriend mo, anak ko ‘yan, hindi lang si Marjorie gumawa diyan.’”

Dagdag pa niya, “Baka natatakot siya kay Julia saka kay Marjorie, baka ‘pag kinausap ako, magalit sa kanya ‘yung dalawa.”

Sey naman ni Ogie, ang pagkakaalam niya kay Gerald ay marespeto naman at baka nasabihan o baka umiiwas lang sa gulo.

Sagot naman ni Dennis, “Ikamamatay mo ba ‘yun ‘pag sinita ka ni Marjorie at sinita ka ni Julia? Ang ibig mong sabihin, ‘pag kinausap mo ‘ko, hihiwalayan ka ni Julia?”

Hindi na raw niya inaasahan na siya ang maghahatid kay Julia sa altar kapag ikinasal ito.

Masakit ito sa kanya, if ever, pero pupunta pa rin siya kahit pa hindi siya imbitahin at magdadala raw siya ng bulaklak para sa anak.

Pupunta si Dennis kahit hindi imbitado simply because anak niya si Julia at gusto niyang makita ang anak sa kasal nito.

As we all know, matagal nang may hindi pagkakaintindihan si Dennis at ang tatlong anak na sina Julia, Claudia at Leon.

Hindi rin sila in good terms ng nanay ng mga itong si Marjorie.

AUTHOR PROFILE