Allan

‘Generational bad eggs’ sa PNP malaking hamon kay Secretary Abalos

June 8, 2024 Allan L. Encarnacion 119 views

Hindi ko alam kung bakit nagiging “generational” na ang pagkakaroon ng masamang pulis dito sa ating bansa.

Lahatin na natin, magmula nang isilang ang PNP noong December 13, 1990 at pagsamahin ang Philippine Constabulary – Integrated National Police (PC/INP) ay hindi pa nagkaroon ng kabanatang nalinis ang buong hanay ng kapulisan.

Marami nang dumaang Chief PNP, mahigpit, mabait, mabangis, maginoo, maunawain, malupit pero sad to say, iyong ibang miyembro, walanghiya pa rin.

Sa pamamagitan ng PNP Law, inialis ang pagiging “military concept” para nga ilapit sila sa tao kaya nga ang description nito sa batas ay “civilian in character.” Kapag titingnan mo ang isang pulis, nasa kanila halos lahat ng biyaya, pribiliheyo, benepisyo at nadoble pa nga ang kanilang suweldo sa ilalim ng Duterte administration.

Lahat na rin ng magagaling, mababait, mabangis at mahinahon na Secrertary ay dumating na rin sa DILG bilang mga secretary na siyang direktang may sakop sa PNP pero ganoon pa rin. Marami pa ring pulis ang nasasangkot sa krimen.

Hindi pa nga tayo nakaka-get over sa isang sarhento ng pulis na may bultu-bulto ng shabu na kasabwat din ang iba pang opisyal, heto na naman tayo sa kidnapping naman na ang utak at gumawa ay apat na pulis na may isang major pa man din!

Ilang pulis na ba ang nakasuhan at na-convict sa pagiging drug trafficker at drug lord? Ilang pulis na ba ang naaresto at nahatulan sa kasong kidnapping, murder at robbery extortion at kung anu-ano pang kalokohan? Hindi natin ibibintang ito sa kahit anong administration dahil katulad nga ng sinabi natin, nagiging “generational scawalags” na sila o nagpapasalin-salin sila. Nag-iiba ang anyo, nagbabago ang ranggo, iba na ang pangalan, bagong recruit, lumang recruit—pero same banana, pulis pa rin!

Nag-iiba-iba lang ang administrasyon pero mayroon talagang palaging lumalabas na mga kriminal na pulis. Ang nakakalungkot dito, napakaraming mabuting pulis na silang dapat maging generational characters pero nadadamay ang reputasyon nila sa mga kabaro nilang sagad sa buto ang kawalanghiyaan.

Ang ideal police-population ratio at 1:500 na halos tama na ito sa bilang. Ang ibig sabihin, ang isang pulis ay sapat niyang maprotektahan ang 500 bilang ng populasyon. Halos 228,000 ang miyembro ng ating PNP, halos tugma na ang bilang nito kapag isinuma natin sa ating populasyon na 110 million.

Sa bilang na 228,000 cops, sobrang liit lamang ang populasyon ng mga bugok sa kanilang hanay. Sigurado naman tayo na walang 0.10% or 2,280 ang masasamang pulis sa hanay ng PNP.

Gawin nating conservative numbers, ilagay natin sa 0.3% ang masamang pulis, mabigat pa rin ito kasi aabot pa rin sa 735. Ibaba pa natin ng konti, 1.5% na lang ang sabihin nating bad eggs sa PNP, malaking problema pa rin ito kasi nasa 367 iskalawag pa rin ito.

Ok, fine, gawin nating mas conservative pa, 0.1%, masakit pa rin ito sa ulo kasi 228 pa rin. Isipin nating mabuti, kung iyong 228 na walanghiyang armado, may lisensiyang pumatay at nakauniporme ay malayang nakakagala sa ating mga kalsada. Nakakatakot din ito para sa ating mga kababayan.

Kahit hatiin pa natin sa 0.05% or 114 na lang ang walanghiyang pulis sa buong bansa, delikado pa rin ito kung bibigyang-diin ang kanilang mga kakayahan at pribiliheyo.

Kaya nga naaawa tayo kay DILG Secretary Benhur Abalos dahil ramdam natin ang kanyang pagkadismaya sa mga pulis na nasasangkot sa mga krimen mula sa illegal drugs at kidnapping. Kahit anong magandang programa ang gawin ni Secretary Abalos para mahalin ng publiko ang pulis ay nahihirapan siya dahil lang sa napakaliit na porsiyento ng mga bugok sa hanay ng pambansang pulisya.

Nakikita at nararamdaman natin ang sinsiridad ni Secretary Abalos para ayusin ang buong hanay ng PNP pero nag-iisa lang siya, hindi niya kakayanin ito kung iyong .05% ay walang balak maging mabuting mga tao.

Gusto nating makita ang bangis ni Secretary Abalos laban sa mga scalawag cops na ito, sa laki ng kanyang braso, kayang-kaya niyang iumpog sa kanyang muscles ang mga walanghiyang pulis na pakalat-kalat sa ating bayan.

Matinding hamon ito, Sec Benhur pero alam nating kayang-kaya mo yan!

[email protected]