Allan

Gen X, Gen Y, Baby boomers at Gen Z

June 19, 2024 Allan L. Encarnacion 658 views

KUNG may tinatawag na “overnight sensation”, wala namang katotohanang mayroon “overnight success.”

Madalas, ang akala ng iba, iyong biglang kasikatan ay katulad din ng biglang katagumpayan. Para sa mga Gen Z, kailangang maunawaan nilang magkaiba ito at kailanman ay hindi magkakapareho.

Marami akong naririnig sa mga kabataan ngayon na “sawa na sila sa kanilang pinapasukang kompanya.” Hindi raw sila nakakaramdam ng “growth” kaya kailangan na nilang humanap ng bagong mapapasukan. Nang tanungin ko kung ilang buwan na sila sa trabahong inaayawan na nila, ang sagot ay tatlong buwan or pitong buwan.

Nakakagulat ang mga ganitong sagot mula sa mga kabataan ngayon. Hindi ko sila sisihin kung yan na ang nakagisnan nilang work traits. Pero alam kong maraming “old school” na kasabayan ko ang matatawa lang sa ganitong karakter ng mga kabataan.

Hindi ko alam kung saan sila humugot ng katwirang “hindi na sila masaya at hindi na sila nag-grow” sa ganoong kaigsing panahon kaya kailangan na silang humanap ng bagong trabaho. May sinasabi iyong mga matatanda sa una na ganito: “Ang ibon na palipat-lipat ng hapon, ipot man hindi makaipon!“

Iyong mga katulad ng aming henerasyon ay halos doon na inugat sa kompanyang pinapasukan. Iyon bang nagsimula pumasok sa kompanya nang makatapos sa kolehiyo at hanggang sa mag-asawa at magkaanak, doon pa rin sila nagtatrabaho.

Siguradong hindi rin ito mauunawaan ng mga Gen Z at ng milenyal o Gen Y kasi para sa kanila “boring” ang manatili nang ganoon katagal sa isang kompanya. Okey lang sana kung ang katwiran ay naghahanap ng mas malaking sahod, mas maraming perks sa lilipatang kompanya. Pero ang gamitin ang katagang “I want to grow” para sa tatlong buwan mo pa lang sa kompanya or pitong buwan, hindi ko alam kung saan galing iyon.

At kapansin-pansin sa mga present generations ay hindi mo sila puwedeng utusan na labas sa kanilang trabaho. Ayaw nila ng multi-tasking at lalong kukuwestiyunin ka nila kung uutusan mo sila nang labas sa kanilang trabaho. Maaring sa isang banda ay tama naman sila rito kaya lang, kaming mga old school ay dalubhasa sa multi-tasking at handang mautusan ng amo kahit labas pa sa aming trabaho—pakikisama ang tawag doon, hindi sipsip at lalong hindi naman pang-aalipin, lalo na kung minsan lang naman.

May big no-no rin sila ngayon, huwag mo silang tatawagan ng after office hours or weekend kung work related ang pag-uusapan. Hindi ka nila sasagutin, manigas ang kamay mo sa katatawag!

Hindi ako maka-relate sa ganitong mga kuwento dahil siguro sa laki ng generation gap sa pagitan naming mga old school kumpara sa Gen Z. Ang deskripisyon sa mga Gen Z ay iyong mga taong ipinanganak mula 1997 hanggang 2012. Ibig sabihin, sila iyong work force sa taon natin ngayon hanggang sa mga susunod pang ilang taon.

Kami palang mga old school ay Gen X o mga ipinanganak sa pagitan ng taong 1965 hanggang 1980. Hindi ko naman masabing kami iyong matanda sa una kasi mayroon pang mga mas nauna sa amin—sila iyong mga baby boomers o mga isinilang pagkatapos ng World War 2 onwards. 1946 hanggang 1964.

Anyways, ang alam ko, kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng generations, hindi nagbabago ang pamantayan ng pagiging matiyaga, tamang pakikisama at paghahabol sa tagumpay sa tulong ng mahabang pagpapanday ng karanasan at kasanayan.

Ang anumang tagumpay ay hindi parang instant coffee na kagigising mo pa lang ay puwede mo nang inumin. Ang tagumpay ay pinagsusumikapan at sinasangkapan ng maraming pakikisama kahit saang kompanya ka pa mapunta.Wala pa akong nakitang taong umunlad at nagkaroon ng magandang career pagkabangon pa lang niya sa banig.

[email protected]