
GCash, PasaJob handog libo-libong trabaho para sa Pilipinong manggagawa
MANILA– Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa sa darating na Mayo 1, handog ng GCash, ang nangungunang finance app sa bansa, ang libo-libong career opportunities para sa mga Pilipinong manggagawa sa pamamagitan ng kanilang GJobs feature.
Bilang bahagi ng kanilang adbokasiya, nakipagtulungan ang GCash sa PasaJob, ang kauna-unahang referral-based job platform sa Pilipinas, upang ilunsad ang GJobs Livestream sa mismong araw ng mga manggagawa. Layunin nitong maghatid ng mas maraming oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho habang ginugunita ang Labor Day.
Mahigit 200 kompanya mula sa iba’t ibang industriya ang makikibahagi, na may kabuuang 13,000 job openings. Ang mga available na posisyon ay madaling maaakses gamit lamang ang smartphones ng mga users.
Ang GJobs ay isang feature sa GCash app kung saan maaaring mag-browse ang users ng verified job listings mula sa PasaJob. Sa kolaborasyong ito, mas pinapaganda ang digital job-searching experience sa pamamagitan ng malawak na sakop ng GCash at ang pinagkakatiwalaang employer network ng PasaJob.
Ayon kay Barbie Dapul, COO ng G-Xchange Inc., ang misyon ng GCash na “Finance for All” ay hindi lamang tumutukoy sa pagkakaroon ng inklusibo at ligtas na financial transactions.
“We also enable Filipinos to access meaningful employment opportunities that improve their livelihood,” sabi ni Dapul.
Samantala, sinabi naman ni PasaJob CEO Eddie Ybañez ang kanilang hiling na mapalawak pa ang GJobs upang makapagbigay pa ito ng mas maraming job opportunities para sa mga manggagawang Pilipino.
“We hope that GJobs not only becomes a doorway for these opportunities but also serves as a platform to gain insight on the Philippine employment and livelihood industry as a whole,” saad ni Ybañez.
Sa pamamagitan ng GJobs Livestream, matutulungan ang mga job-seekers na mahanap ang trabahong akma sa kanilang kakayahan at karanasan. Bukod dito, layunin din ng inisyatibo na tugunan ang unemployment rate na 3.8% at underemployment rate na 10.1% ng bansa, batay sa February 2025 Labor Force Survey.
Ang naturang job fair ay makatutulong para sa mga fresh graduates, career-shifters, experienced workers, at mga walang college degrees. Kasama rin dito ang mga persons with disabilities (PWDs) sa tulong ng Philippine Inclusion Network na magtitiyak ng inklusibo at barrier-free na workplace.
Bukod sa livestream, magkakaroon din ng mga physical registration booths sa Brgy. 194 Covered Court sa Pasay City at sa Labor Day Job Fair sa MICE Center, Quezon City Hall.
Mula nang ilunsad noong Setyembre 2023, nakapagtala na ang GJobs ng 3 milyong users, 1 milyong job referrals, at 417,000 job applications na patunay ng patuloy nitong paglago at pagtulong sa mga Pilipinong manggagawa.