
Gayahin mga bansa sa Asya sa pagpapahusay ng ating edukasyon
“Dapat nating itaas ang istatus ng mga guro sa lebel nahindi nakita at imposible sa burgis na lipunan.” Vladimir Lenin (Enero 2,1923)
WALANG mali sa pag-aaral, at maging sa pag-gaya sa mga solusyon, pamamaraan at istratehiya ng ibang bansa. Dahil sa kolonyalismo, nabuo ang pagsamba ng Pilipino sa mga bagay, kultura at kaisipang Kanluran at kabaligtarang pagmamaliit, na umaabot sa pagkamuhi, sa mga bagay, kultura at kaisipan ng Silangan. Napapanahon na upang mausisa ang ginagawa ng Komunistang Tsina sa larangan ng edukasyon at kung angkop sa Pilipinas, gayahin ito upang maparami ang bilang at magandang kalidad ng ating mga guro.
Pinaliwanag ni Prof Zhu Yongxin (Deputy Secretary General ng 12th Chinese People ‘s Political Consultative Conference; History of Chinese Contemporary Educational Thought [2016]) na ang kahirapan ng mga guro ng Tsina ay nakikita sa kanilang mababang sahod, maralitang tirahan, at kung magkasakit, nagtitiis sa bulok na pagamutan. Ito ay sanhing mababang pagtingin ng piyudalismong lipunan ng Tsina sa mga guro sa mahabang panahon na tinuldukan ng mga Komunista noon 1949. Ang mga iskolar ni Confucius ay pang-siyam lang sa sampung posisyon sa lipunan (at pang-sampu ang mga pulubi). Hindi ito binago ng “Cultural Revolution” ni Mao Ze Dong na tinuring na “orihinal na kasalanan ang karunungan” at napakaraming intelektuwal, iskolar at guro ang inalipusta, hiniya at binugbog sa publiko, at ipinasok sa kampo upang “muling turuan” ng ilang taon upang maiwaksi ang impluwensiya ng Kanluran.
Sa kabila ng maling patakaran ng pamahalaan at pagtratong lipunan, dinagdag ni Prof Zhu na kinikilala ngayon ng Komunistang Tsina ang mahalagang papel ng mga guro sa politika, ekonomiya at sosyal na pag-unlad ng bansa. “Malaki ang papel ng guro sa pag-angat o pagbagsak ng isang bansa — ang bansang umunlad ay tiyak na pinahalagahan ang mga guro, na nagluwal ng mahusay na ligal na sistema. Ang isang bansang humihina ay tiyak na hinahamak ang mga guro, at dahil dito ang mga tao ay walang timpi sa sarili at kaungasan ang umiiral.” –(Xunzi, sa iskolar sa panahon bago Qin dinastiya).
Upang makamit ang layon na magkaroon ng magagaling naguro, kailangan itaas ang kanilang tayo sa lipunan at ekonomiya para ang pagiging isang guro ang unang pipiliin ng mga mag-aaral na kunin kurso sa kolehiyo. Pinuri ni Prof Zhu ang Hilagang Korea sa kanilang pag-aangat ng “social and economic status” ng mga guro. Bukod sa pagkakaloob ng mga titulo ng karangalan, nagtalaga rin sila ng espesyal na “ticket counters” sa istasyon ng bus at tren para sa mga guro at espesyal na silya sa mga barberya at beauty parlor, prayoridad ang guro sa mga housing project ng pamahalaan, sa pagpapatingin sa doktor, at sa pagbili ng pagkain at gulay. Mayroon din ang Komunistang Tsina nito ngunit kung Teacher’s Day lang. Puede natin itong gayahin sa Pilipinas at ang pamahalaan ay hindi kailangang gumastos para iparamdam sa mga guro ang pasasalamat ng taong bayan. Matutuwa ang mga guro kung mayroon din ganitong mala-“senior citizen” na pagtingin ang ating lipunan sa kanila na nagpapatingkad ng napakahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa paghubog ng kaluluwa ng mga bata at kinabukasan ng ating bansa.
Ang mga rekomendasyon ng EDCOM II sa pag-aangat ng kalidad ng guro, tulad ng marubdob na “in-service training”, ay hindi nakakakiliti sapagkat wala naman bago sa mga ito.
Sinabi ni Andrea Bocelli na “lahat tayo ay mas natututo sapamamagitan ng pag-gaya sa iba.” Nais natin ng Bagong Pilipinas na panawagan ng Pangulong Marcos Jr., subalit hindi mangyayari ito kung patuloy na minemenos at binabalewala ng mga akademikong aral sa Kanluran ang mga kilos ng mga bansasa Asya, partikular ang Komunistang Tsina , na maaari nating gayahin sa pagpapahusay ng sistema ng edukasyon ng bansa.