Default Thumbnail

Gatchalian sa PAGCOR: Kasuhan ang POGO auditors

April 3, 2023 Marlon Purification 440 views

Marlon PurificationHINAMON ni Senador Win Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga tiwaling opisyal ng ahensya na sangkot sa maanomalyang pagpili ng third-party auditor ng gross gaming revenues ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“Kailangang panagutin ang mga opisyal at empleyado ng PAGCOR na naging pabaya o kaya’y nakipagsabwatan sa Global ComRCI na dahilan kung bakit sa kanila napunta ang kontrata kahit na malinaw na hindi sila kwalipikado,” ani Gatchalian.

Ang hamon ng mambabatas ay kasunod ng pag-terminate ng PAGCOR sa kontrata nitong nagkakahalaga ng P6 bilyon sa loob ng 10 taon sa third-party auditor ng mga POGO na Global ComRCI. Winakasan ng PAGCOR ang naturang kasunduan dahil sa paglabag sa batas ng Global ComRCI at hindi pagsunod sa kanilang obligasyon.

Nauna nang nagsagawa ng pagsisiyasat ang Senate Committee on Ways and Means, na pinamumunuan ni Gatchalian, na nagsiwalat ng maraming iregularidad sa pagpili ng PAGCOR sa Global ComRCI upang magsagawa ng third-party audit sa kita ng mga kumpanya ng POGO.

Kabilang sa mga iregularidad ang pagsusumite ng isa umanong pinekeng bank guarantee mula sa isang bangko na hindi awtorisado ng Bangko Sentral na magbigay ng mga serbisyong pinansyal sa bansa.

“Dapat nating habulin para masampahan ng kaso ang mga opisyal at employed sa gobyerno na gumagawa ng mga katiwalian para masawata ang ganitong mga gawain,” saad niya.

Ang pagsusumite ng Global ComRCI ng maling dokumento ay isang batayan para sa pagwawakas ng kontrata, sabi ng senador, sa bisa ng Section 69 ng Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act, na tumutukoy sa mga batayan at mga parusa para sa pag-blacklist ng isang kontratista.

Dagdag pa niya, ang mga pribadong indibidwal at sinumang pampublikong opisyal na kasabwat sa pagsusumite ng mga pekeng dokumento upang impluwensiyahan lamang ang resulta ng proseso ng eligibility screening at competitive bidding ay dapat makulong.

Sinabi ng PAGCOR na naendorso na sa Office of the Solicitor General (OSG) ang desisyon nito laban sa Global ComRCI para sa posibleng pagsasampa ng mga kasong administratibo, sibil, at kriminal laban sa third party auditor.