Gary

Gary V, nakipag-collab kay Gloc 9

October 21, 2023 Ian F. Fariñas 225 views

HINDI pa rin talaga nawawala ang gigil ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano sa pagpe-perform kahit ano pa ang pagdaanang health condition.

Nitong Biyernes ng gabi, umapaw muli ang Music Museum nang itanghal ang repeat ng 40th anniversary concert niyang Gary V: Back at the Museum na tumagal nang halos tatlong oras.

Hindi lang ang audience ang nag-enjoy sa all-hits repertoire ng tinaguriang Livewire Performer dahil damang-dama rin ang pag-i-enjoy ni Gary mismo on and off stage.

Para ngang hindi siya nanggaling sa isang buwang Reenergized series of concerts sa North America kung saan sa isang leg ay nadiskubre na meron siyang pneumonia.

Kwento ni Gary, itinuloy niya ang tour abroad kahit medyo masama na ang lagay ng kanyang boses.

Ang malungkot pa nito, nagka-Covid din ang misis niyang si Angeli Pangilinan at kapatid na si Gina Valenciano- Martinez habang nandu’n sila.

Pagkatapos noon, pinayuhan siya ng doktor na magpa-CT scan at doon na nga nalaman ang sakit niya.

“It was so bad that the back-up singers had to sing with me na, kasi hindi ko na abot, eh,” pagbabalik-tanaw niya.

Awa ng Diyos, nakatulong ang steroids at iba pang medication na ibinigay ng doktor niya sa Amerika.

Nakapagpahinga rin daw siya nang kaunti sa Seattle kaya game siya nang sumabak sa Calgary, Winnipeg at Toronto legs ng nasabing tour.

Ayon kay Gary, naging routine na rin niyang i-check ang kanyang blood sugar level sa gitna ng pagpe-perform.

Ginawa niya ito sa unang gabi ng repeat ng Gary V: Back at the Museum, na unang ini-stage noong Agosto at may remaining performance dates na Oct. 27 at Nov. 3.

Bukod dito, magiging busy din si Gary sa ilang collaboration kasama ang mga bagong artist tulad na lang ng grupong The Juans.

May espesyal din silang proyekto ng rapper na si Gloc 9 para naman sa 25th anniversary album nito. Ani Gary, “When Gloc 9 writes a song, you can’t help but pay attention because he’s saying something in every part. The thing is, I’m the one singing, he only comes in in the rap part and then we’re together until the end. I think it’s gonna be a hit. I really personally think it’s gonna be a hit.”

Tapos na nilang i-record at na-mix na ang kanta na pinamagatang Walang Pumapalakpak.

“It’s a very encouraging song. It’s actually meant for many aspiring artists who end up singing kahit walang pumapalakpak and they just keep on and on and on. So it’s meant to encourage,” diin pa ng singer.

Samantala, naging special guest ni Gary ang nag-iisang anak na babaeng si Kiana na umuwi ng ‘Pinas para maka-duet ang ama sa mga awiting If I Ain’t Got You ni Alicia Keys at Can We Just Stop and Talk Awhile na tribute ni Gary sa OPM hitmaker na si Jose Mari Chan.

Based na si Kiana abroad at engaged kay Sandro Tolentino. Sa 2025 gaganapin ang big wedding ng dalawa sa Amerika.

Ani Gary, “I don’t wanna talk about anything else except for the fact that she is engaged and I’m blessed that the man who found her is the man who is really the one meant to find her.”

Namataan naman sa audience noong Biyernes ng gabi sina Andeng Bautista-Ynares at ang almost 16-year-old daughter niyang si Cassandra, Precy Ejercito, Top Suzara ng bandang Freestyle, Direk Arnell Natividad, Louie Ocampo, Leslie Martinez (anak ng kapatid ni Gary na si Gina sa aktor na si Leo Martinez), Ernie at Michelle Lopez at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE