
Fyang at JM ayaw magpalamon sa kasikatan
Dalawa sina Fyang Smith at JM Ibarra sa featured artists ng Star Magic Spotlight presscon nitong nakaraang Huwebes.
Sa unang pagkakataon, humarap sa media ang dating “Pinoy Big Brother” (PBB) housemates at binalikan ang kanilang journey sa outside world.
Kung babalikan ang kanilang iconic run sa “PBB” Gen 11, malayo na ang narating nina Fyang at JM — mula sa pagiging housemates hanggang sa pagiging dalawa sa pinaka-promising young stars ngayon.
Una nang kinaaliwan ng audience ang kanilang undeniable chemistry at strong personalities sa loob ng bahay ni Kuya, kung saan napansin ang kanilang genuine bond at individual strengths.
Nang tanungin tungkol sa kanilang kasikatan, sinabi ni Fyang na, “Hindi po namin sini-sink in sa utak namin na sikat po kami. Same pa rin po, kung ano po kami sa loob ng Bahay ni Kuya, gano’n pa rin po kami paglabas. Hindi po namin hinahayaan na kainin kami ng kasikatan.”
Sagot naman ni JM nang matanong tungkol sa usaping privacy, “Sa ngayon po, parang limitado po ‘yung pribadong moments namin, kasi kahit sa’n po kami magpunta, makikita namin nasa social media na, siguro sign na po ‘yon ng kasikatan. Pero iniisip na lang po namin na nakikilala na kami ng karamihan… grateful po kami do’n.”
Napili ang kanilang tambalan na mapabilang sa voice cast ng Tagalog-dubbed version ng 2024 South Korean drama film ng Lotte Entertainment na hatid ng Nathan Studios, ang “Picnic.”
Nakatakda itong ipalabas sa cinemas nationwide sa May.
Nagkwento si Fyang kung gaano kahirap mag-dubbing, “Kapag nagda-dub, kailangang pumasok sa ibang mundo… kami mismo ang nag-a-adjust upang maipakita ang tamang emosyon nila (mga karakter).”
May special cameo role rin ang dalawa sa 2025 romantic comedy movie nina Kim Chiu at Paulo Avelino na “My Love Will Make You Disappear,” na kasalukuyang napapanood sa mga sinehan nationwide.
Bukod dito, kasama rin sina JM at Fyang sa “The Unforgettabolabolabol” GENeral Assembly, kasama ang iba pang “PBB” Gen 11 housemates sa April 5 sa SM North EDSA Skydome.