Default Thumbnail

‘Freedom of the press’ di depensa para bastusin, siraan sino man

April 13, 2023 Paul M. Gutierrez 277 views

PaulMARAMI na ang tumatayo ang balahibo sa pagkapikon at pagkasuklam sa isang talunang kongresista dahil patuloy na ginagamit ang sarili niyang istasyon ng radyo upang siraan at wasakin sa publiko ang Bureau of Customs.

Ang nasabing dating miyembro ng Kongreso ay nang-aabuso sa sarili niyang istasyon ng radyo upang banatan ang Bureau of Customs sa mga bintang na alam naman ng lahat ay wala naman siyang hawak na ebidensiya.

At sino naman kasi ang basta na lang maniniwala sa kanyang mga bintang ‘given his track record,’ wika nga.

Ayon naman sa ilang miron, “nanggigigil” sa Aduana itong pulitiko dahil may mga hinihingi siyan pabor na hindi siya mapagbigyan!

May partikular na opisyal umano sa BOC na gustong niyang “makausap” nang personal pero tumatanggi dahil bukod sa ayaw “mamantsahan” ng masamang reputasyon nitong si ex-congressman, hindi rin siya sanay na “binabraso” ng sino man.

Kung sa bagay, estilong sanggano talaga itong mamang ito dahil nalasing sa kapangyarihan, partikular noong panahon ng isang dating Pangulo.

Sakali namang mapuno na ang pagtitimpi ng mga opisyal ng Aduana na palaging “pulutan” nitong ex-congressman sa kanyang programa at kaladkarin siya sa korte, ano naman kaya ang gagawin niyang depensa? ‘Freedom of the press?’

Aba, teka, hindi uubra yan, bosing! Ilang desisyon na kasi ng Korte Suprema ang nagsabi na hindi depensa ang ‘freedom of the press and expression’ para bastusin at siraan ang sino man lalo pa nga at kitang-kita na interes mo lang ang hinahabol mo, hane?

Kumbaga, bukod sa basahan ang kanyang krebilidad, ‘tainted with malice’ pa ang kanyang mga arangkada.

Mas mainam siguro na busalan na ng liderato ng Kongreso itong si ex-Cong. dahil kinakaladkad niya sa pusali ng kahihiyan ang buong Kongreso kahit wala na siya sa puwesto.

Bakit kanyo? Sa kanya kasing radio program, nakabalandra pa rin sa kanyang likuran ang ‘official logo’ ng Kongreso ng Pilipinas. Talaga rin naman.

Abangan!

AUTHOR PROFILE