
Fowler, idinemanda!
Sinampahan ng kasong kriminal ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcaster ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) ang vlogger na si Toni Fowler dahil sa umano’y malalaswang video nito.
Isinampa laban kay Fowler ngayong Miyerkules ang mga kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code in a Relation sa Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Pasay City Prosecutors Office, Pasay City.
Ang mga naghain ng kaso ay sina Atty. Leo Olarte, presidente ng KSMBPI, at Atty. Mark Tolentino, at Atty. John Castrisciones, KSMBPI director.
Ayon sa mga abogado ng naturang organisasyon, nagdesisyon silang idemanda si Fowler dahil sa tatlong music videos nito na kumakanta at nagpe-perform umano ng mga kabastusan.
Diumano ay may mga eksena pa sa nasabing MV kung saan ay ipinakita ang maseselang parte ng katawan ng lalaki.
Binigyang-diin ng mga abogado na maraming kabataan ang nakakapanood ng mga video na ito kahit pa may disclaimer na “for adults only.”
Ayon sa KSMBPI, bawat video ay may multa na P6,000 hanggang P12,000 at parusang pagkakakulong ng hanggang 20 taon.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Fowler kaugnay ng kasong isinampa sa kanya ng kapisanan.
Si Fowler ang ikalawang celebrity na sinampahan ng KSMBPI ng kasong kriminal. Matatandaang kinasuhan din nila si Vice Ganda at ang karelasyon nitong si Ion Perez dahil sa umano’y ‘mahalay’ na ginawa ng celebrity couple sa “Isip-Bata” segment ng “It’s Showtime” noong July 25.