Default Thumbnail

Foreman tigbak sa sumpak

March 24, 2024 Edd Reyes 80 views

TIGBAK ang 47-anyos na foreman nang barilin sa ulo ng sumpak ng kanyang nakaalitan sa labas ng bar noong Sabado sa Navotas City.

Tama ng .9mm sa batok ang tumapos sa buhay ni Ronald Presto alyas Bong ng Trece Martires, Cavite at stay-in worker sa shipyard nang barilin dakong alas-6:40 ng umaga kasama ang testigong si alyas Carlo, 25.

Sa ulat nina P/SSg. June Villaluz at P/SSg. Allan Navata kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, pauwi na ang biktima at kasama sa inuman sa Konsee Bar sa M. Naval St., Brgy. Daanghari nang may lalaking nakasagutan sa labas ng bar sa hindi nabatid na dahilan.

Nakita pa sa nakakabit na CCTV sa lugar ang pamamaril ng suspek na kaagad tumakas papunta sa Paltok St., Brgy. Daanghari dala ang baril na ginamit sa pagpaslang.

Sa follow-up operation nina P/Maj. Albert Juanillo, assistant chief of police for Operation, at Capt. Edward Adriano, commander ng Sub-Station-2_ nadakip ang suspek na si alyas Enrico, 32, malapit sa kanyang tirahan sa Rama Tanda St. Brgy. Daanghari.

Nakuha sa suspek ang isang improvised gun na may isang basyo at tatlong bala ng .9mm.

Ayon kay SSgt. Villaluz, positibong kinilala ng testigong si Carlo ang suspek na nakasagutan ng kanilang foreman at siyang bumaril sa biktima.

Kasong murder at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang isasampa sa suspek.

AUTHOR PROFILE