
Firm hiniling sa PNP na umalis sa raid site
MULING sumulat ang Xinchuang Network Technologies sa Philippine National Police (PNP) para hilingin na lisanin na ang compound nito sa Las Pinas matapos i-raid noong June 26.
Sa panibagong demand letter ni Atty, Ananias Christian Vargas, hiniling niya sa PNP na lisanin na ng mga pulis ang naturang premises sa loob ng 24-oras.
Giit ng abogado na hindi na rin sakop ng hurisdiksiyon ng PNP ang kaso kungdi ng Bureau of Immigration.
Sinabi pa ng abogado na 7-araw na mula nang salakayin ng mga awtoridad ang nasabing establishemento kaya’t marapat lamang na tapos na ang isinasagawa nilang dokumentasyon.
Matatandaang una nang tiniyak ng PNP na bibigyan nila ng patas na imbestigasyon ang kaso at handa silang harapin ang akusasyon ng naturang POGO firm sa proper forum.
Samantala, lilisanin lamang ng mga tauhan ng PNP ang bakuran ng ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Las Pinas sa sandaling matapos na ang processing sa mga ebidensyang nakalap ng mga pulis sa lugar.
Ito ang inihayag ni PNP–Public Information Office (PIO) chief Brig. Gen. Redrico Maranan bilang reaksyon sa demand letter na ipinadala ng abogado ng Xinchuang Network Technologies sa PNP.
Sa panig ng PNP, nilinaw ni Maranan na ang PNP ay kumikilos sa bisa ng search warrants na inilabas ng korte.
“The PNP is acting under the authority of valid search warrants issued by the court. As of now, continuous search and processing of evidence is being undertaken,” pahayag ni Maranan.
Tiniyak din ng opisyal na lilisanin din naman nila ang lugar sa lalong madaling panahon sa sandaling matapos ang kanilang imbestigasyon gayundin ang profiling ng mga sinabing manggagawa.