Default Thumbnail

Fighting Pacquiao!

July 8, 2021 Marlon Purification 626 views

Marlon PurificationSINUSUSUGAN ko ang basa ng ilang boxing analyst.

Ang laban ni Senador Manny Pacquiao kay WBC at IBF welterweight champion Errol Spence, Jr., na ang isa sa pinakamahirap na laban nito ngayon.

Bukod kasi sa dalawang taon nang walang ensayo, 42-anyos na ang Fighting Senator, samantalang si Spence ay 31-years old lamang. Labas pa riyan tangkad ng banyaga sa Pinoy boxer na mas mataas ng apat na pulgada sa kanya.

Ang masaklap, siguradong hati ang isip ni Pacquiao. Hindi maaaring sabihin na 100 percent siyang naka-concentrate sa laban ngayong Agosto dahil bago lumipad papuntang Estados Unidos noong nagdaang Sabado, may iniwan itong mabigat na alegasyon laban sa ilang departamento sa pamahalaan na umano’y batbat ng anomalya.

Kaya nga pansining mabuti ang mga bayarang troll sa social media ngayon, puro banat at below the belt na atake na ang ginagawa sa kanya.

Marami namang may matinong pag-iisip na nalulungkot sa nangyari sa kanila ng Pangulong Duterte.

Kasi, tulad nila, naniniwala akong may ilan sa nakapaligid sa Chief Executive at sa kampo ni Pacquiao ang pilit pinapaypayan ang isyung pinagdedebatehan sa kanila.

Sa ganang akin, parte ng demokrasya na kahit magkasama kayo sa partido ay puwede kayong magbatuhan ng anumang isyu sa isa’t isa.

Basta sana ay mag-stick lang sa isyu at ‘wag nang mas marumi pa sa putik ang upakan ng magkabilang kampo.

Bago nito, may isa pang isyu ang nakaatang sa balikat ng boksingerong senador. Ito naman iyong grupo nina Energy Secretary Alfonso Cusi na pilit hinahati at gumagawa ng paksiyon sa rulling party na PDP Laban na lalong naging dahilan upang manatiling underdog ang pound-for-pound champion sa buong mundo.

Kaya tulad ng sinabi ko, hati ang focus ni Pacman ngayon na posibleng makaapekto sa nalalapit na laban sa Las Vegas ng paboritong anak ni Mommy Dionesia.

Totoong mabigat ang paratang ni Pacquiao laban sa Duterte administration. Pero kung nanamnamin nating mabuti, hindi nito direktang inaakusahan na si Pangulong Duterte mismo ang sangkot sa administrasyon kundi ilan sa mga nakapaligid dito.

Kung tatanggapin ito bilang konstraktibong kritisismo at hindi destructive criticism, malaking tulong pa nga ang alegasyon ni Pacquiao upang umpisahang himayin at paimbestigahan ang mga bintang ni Pacman.

Huwag sana nating kalimutan na mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na kahit katiting na isyu lang ng kurakutan ay hinding hindi papayagan sa kanyang administrasyon.

“Wag na wag talaga ako makarinig na corruption, (not) even a whiff or whisfer. I will fire you or place you somewhere. Mamili kayo: ComVal (Compostela Valley) o Jolo,” anang Pangulo.

Sinabi ito mismo ni Digong sa oath-taking ni Senator Pacquiao sa Sarangani province kaya ito rin ang hugot ng pambansang kamao para tulungan ang pamahalaan kontra katiwalian noon pang June 29, 2016.

Sa puntong ito, hayaan din natin si Pacquiao na magharap ng matibay na ebidensya. Siya ang nag-aakusa, natural ay kailangan siya rin ang maglatag ng ebidensiya.

Kaya ang panawagan natin sa lahat, manatili tayong mag-obserba at aralin nang husto ang tunay na isyu.

Hindi tayo dapat magpaapekto sa mga bayarang banat sa social media, kasi wala silang ibang gusto kundi paguluhin lamang ang tunay na sitwasyon – makapanakit man sila ng kapwa o hindi — basta ang importante ay bayad sila ng kanilang amo na mga kapit-tuko sa puwesto ngayon.

Naniniwala tayong kung kayang ma-knock out ni Pacquiao ang kanyang mga kalaban, kaya rin nitong pabagsakin ang korapsiyon sa gobyerno lalo’t ang banderang iniladlad ng pamahalaan ay ‘Change is coming,’ at hindi ‘Change scamming!’