Default Thumbnail

‘FEMALE SEXTORTIONIST’ NABITAG

May 5, 2023 Hector Lawas 178 views

INARESTO kamakailan ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang isang pinaghihinalaang “female sextortionist” sa isang operasyon sa Quezon City.

Ang suspek ay kinilala bilang Marielle Cruz Padel na kilala rin sa alyas na “Lyka Cruz Padel.”

Siya ay dinala ng mga tauhan ng NBI sa Quezon City Prosecutor’s Office para i-inquest para sa mga kasong robbery (extortion) sa ilalim ng Article 293 at 294 ng Revised Penal Code, as amended, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ang operasyon ay nagsimula sa isang reklamo na isinampa ng isang abogado laban kay Padel sa NBI-AOTCD. Ayon sa reklamo, nakilala ng abogado si Marielle sa pamamagitan ng social media at nagkaroon sila ng sexual na relasyon.

Ngunit ilang araw pa lamang sa kanilang relasyon, sinabihan daw ng suspek ang abogado na nabuntis siya at humihingi ng pera, na kalaunan ay ibinigay ng abogado.

Matapos ito, nagsimulang magpadala ng mga mensahe ang isang taong nagpakilalang “Lyka,” na nagpapanggap na kambal ng suspek.

Sinabihan niya ang abogado na namatay ang suspek dahil sa ginawang abortion at itinuturong siya ang may kasalanan.

Tinakot daw ng “Lyka” ang abogado na magbigay ng pera at binantaan siya na sisiraan ang kanyang reputasyon bilang isang pamilyadong tao at abogado.

Dahil sa mga bantang ito mula sa suspek, patuloy na nagpadala ng pera ang abogado sa “Lyka” at umabot na ito ng P9.9 milyon.

Gayunman, nalaman ng abogado ang mga kasinungalingan at pekeng representasyon ni “Lyka” at natuklasan na siya at si Marielle Padel ay iisa lamang.

Kaya naman isang reklamo ang isinampa ng abogado sa NBI-NCR.

Patuloy pa rin ang paghingi ng pera ni “Lyka” at noong Abril 26, 2023, humingi siya ng P61,000 bilang bayad sa doktor na nag-aborsyon kay Marielle.

Kaagad na nagplano ng isang entrapment operation ang NBI-AOTCD at nagtungo sa napagkasunduang lugar ng bigayan ng pera sa isang mall sa Quezon City.

Matapos na maipasa ang marked money, agad na nahuli ng NBI-AOTCD si “Lyka,” na ang tunay na pangalan pala ay Marielle Cruz Padel.

AUTHOR PROFILE