Instant

Father roles, praktis para kay Jerald

September 23, 2023 Ian F. Fariñas 661 views

PRAKTIS para sa komedyanteng si Jerald Napoles ang pagtanggap ng father roles sa TV man o pelikula para raw handa na siya sakali mang magkaroon na sila ng sariling baby ng GF niyang si Kim Molina.

Gaya na lang sa latest project niyang Instant Daddy ng Viva Films, talagang kinakarir ni Jerald ang paghahanda sa ganitong roles. Umaabot pa nga siya sa pagre-research para lang magampanan ito nang tama.

Bukod sa Instant Daddy, tatay din ang papel niya sa weekly sitcom na Team A ng Viva TV sa TV5 kung saan kapareha niya si Kim.

Kwento ni Jerald sa Instant Daddy mediacon, “I researched about my daddy role. Kailangan mag-research ako kasi I’ve never done it before. Although noong binatilyo ako, growing up in Tondo with my mom and tito, naiiwan sa akin ang baby ng tito ko at pinsan. Ako ang mag-aalaga kapag naglalaro sila ng basketball. Pinaghugutan ko ‘yung experience ko kung paano mag-alaga ng baby.”

Sa Instant Daddy, na adaptation ng 2013 global Mexican blockbuster na Instructions Not Included, single dad si Jerald sa lovechild nila ni Danita Paner na si Althea Ruedas (ng Dollhouse).

Wish ng komedyante, “Sana ganito kagaling, kabibo, katalino at kaganda ang anak ko. Pero hindi ko alam ang ibibigay ni Lord. I will just adjust. Isa si Althea sa nagpaganda sa pelikula. Of course, ‘yung child actor or actress na kasama mo, kailangan titimplahin mo ‘yan. May mood ‘yan, aalagaan mo. Pero si Althea, parang tropa lang.”

Kasama rin sa cast sina Ryza Cenon, MC Muah at Nikko Natividad sa ilalim ng direksyon ni Crisanto Aquino.

Mapapanood ang Instant Daddy sa mga sinehan nationwide simula October 11.

AUTHOR PROFILE