Jinggoy

Fake news, disinfo drive sa WPS pinaiimbestigahan

January 24, 2024 PS Jun M. Sarmiento 372 views

NAGHAIN ng resolusyon si Senador Jose Jinggoy Ejercito Estrada para imbestigahan ng Senado ang diumano’y disinformation campaign patungkol sa West Philippine Sea na pinopondohan ng isang dayuhang bansa.

Sa paghahain ng kanyang Senate Resolution No. 910, hinimok ni Estrada ang Senate Committee on Public Information and Mass Media na manguna sa pagsisiyasat sa paglaganap ng mali at walang batayang impormasyon tungkol sa mga iligal na gawain at panghihimasok ng dayuhan sa karagatang sakop ng Pilipinas, mga hakbang na aniya ay nagpapahina sa makasaysayang tagumpay ng bansa sa Permanent Court of Arbitration (PCA).

“Mahalagang matukoy at masuri ang lawak ng makinarya sa likod ng disinformation campaign. Makakatulong ito sa pagbuo ng patakaran at paraan para bigyan solusyon ang usaping ito, buwagin ang network ng mga nagpapakalat ng maling balita at masupil ang masamang epekto nito,” sabi ni Estrada.

Binigyan diin ng tagapangulo ng Senate Committee on National Defense and Security na dapat magkaisa ang mga Pilipino sa isyu.

Binanggit ni Estrada sa kanyang resolusyon ang iniulat na disinformation campaign ng mga opisyal ng gobyerno, media outlets at maritime experts, maging ang mga pagtatangka diumano na ilihis ang atensyon ng publiko sa marahas na aksyon ng China at ituon sa umano’y militarization ng Vietnam sa WPS.

Pinuna din ni Estrada ang inilabas na ulat ng US State Department noong Setyembre 28, 2023 sa umano’y paglalaan ng China ng bilyun-bilyong dolyar kada taon para sa kanilang taktika ng disinformation at censorship para palabnawin ang isyu.

“Habang ang defense department ay patuloy na nagmo-monitor at sinasalungat ang mga maling salaysay tungkol sa West Philippine Sea, ang kampanya laban sa fake news ay nangangailangan ng matibay na diskarte ng gobyerno at pakikilahok at edukasyon ng mamamayan para masiguro ang epektibong hakbang na gagawin natin,” pahayag ng beteranong mambabatas.

“Mabilis, madali at malawak ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa WPS sa internet bunsod na rin ng accessibility ng social media platforms kaya’t nangangailangan ito ng agaran at kumprehensibong tugon mula sa gobyerno dahil maaaring mag-udyok ito hindi makabayang saloobin,” aniya.

“Ang pagpapanatili ng integridad ng pambansang teritoryo at pagprotekta sa ating mga karapatan sa karagatan at pambansang soberanya ay mahalagang interes para sa bansa,” sabi ni Estrada.