
FAKE NEWS
Pagbaba ng tiwala kay PBBM — PCO
SINABI ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na ang respondents sa survey ay maaaring naimpluwensyahan ng paglaganap ng fake news, at ang mga ito’y hindi sumasalamin sa damdamin ng buong Pilipino sa bansa, kaugnay ng pagbaba ng trust at performance ratings ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr.
”Nalaman po natin ang respondents dito ay 2,400. So, sa 2,400 hindi naman po ito nagre-reflect ng sentimyento ng kabuuang more than 100 million people or Filipinos in the country. Dahil nga nakita at nabanggit natin itong mga fake news, sumasalamin din po ito sa impluwensya ng mga fake news na nagkakalat,” ayon kay Castro.
“May natuklasan mula sa isang Israel-based data intelligence firm, ng disinformation security firm na ang antas ng coordinated disinformation na nakikita sa Pilipinas ay mas mataas sa karaniwang 7 percent hanggang 10 percent na hanay ng online na pag-uusap sa buong mundo tungkol sa lubhang sensitibo o polarizing na mga isyu,” dagdag niya.
Inamin din ni Castro na dapat malaman ng administrasyon kung hindi nakakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno ang mga respondents. Tiniyak niya na titingnan ng gobyerno ang mga resulta ng survey.
”So, ang mga respondents ba na mga ito ay hindi nakakarating ang tulong ng gobyerno. So, dapat din po nating malaman ito sa parte ng administrasyon,” sabi ni Castro.
”At kung anuman po ang nagiging desisyon ng Pangulo at ng administrasyon at ito ay nagre-reflect sa isang survey, nanaisin pa rin po at ipapatupad pa rin ng Pangulo kung ano ang nasa batas at kung ano ang tama at hindi kung ano po ang sasabihin sa isang survey,’ ‘dagdag ni Castro.
Patuloy na gagawin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang trabaho at maglilingkod sa publiko sa kabila ng pagbaba ng puntos sa survey, ani Castro.
Ang isang kamakailang survey ng Pulse Asia ay nagpakita na ang trust at performance ratings ng Pangulo ay bumaba nang malaki noong Marso. Ito’y bumagsak ng 17 percentage points mula 42 porsyento noong Pebrero hanggang 25 porsyento noong Marso.
Ang disapproval rating naman ni Marcos ay tumaas ng 21 puntos sa 53 porsyento.
”Basta ang direktiba po ng Pangulong Marcos Jr. sawatain, tigilan ang fake news. Marami na po hindi lamang po ang Pilipinas ang nagsasabi kahit po iyong ibang mga firms mula sa ibang bansa nagsasabi na po na dumadami po talaga ang fake news dito sa Pilipinas,” sabi ni Castro.
”So, hindi na po ito biro dapat po talaga itong bigyan ng pansin,” dagdag ni Castro.
Sinabi ni Castro na nagkaroon ng sectoral meeting ang Pangulo sa Department of Information and Communications Technology upang talakayin ang mga hakbang para mapuksa ang fake news.
Gayunpaman, tumanggi siyang magpahayag ng higit pang mga detalye tungkol sa pagpupulong.
Nauna nang nanawagan si Pangulong Marcos sa publiko na maging maingat sa fake news, disinformation at maling impormasyon na ginagamit ng mga kandidato, dahil puspusan na ang kampanya bago ang paparating na pambansa at lokal na halalan sa Mayo.
Sinabi ni Marcos na dapat matukoy ng mga Pilipino kung ang impormasyong natatanggap nila ay totoo.