Magi

“Exam oriented education”- ang kaaway ng “quality education”

April 5, 2025 Magi Gunigundo 112 views

“Ang edukasyon ay isang mahalagang haligi ng Pambansang kaunlaran.”
— Prof Zhu Yongxin

LIBO-LIBONG mga papasók na estudyante sa Grade 12 Senior High School na may pangarap makapag-aral sa 2026 sa isang nangungunang unibersidad o kolehiyo ay magpapalista sa mgareview centers ngayong tag-araw upang maghanda para sa kanilang “college entrance examination “ tulad ng UPCAT, ACET, DCAT, USTET, atbp.

Mayroon tayong konsepto ng edukasyon na sinasamba ang pagsusulit bilang tanging panukatan ng dunong ng bata, at ang mga paaralan, mga guro, magulang at mga mag-aaral ay walang kakayahang pigilin ang pagkahumaling ng lipunan sa pagsusulit na nagnanakaw ng mga ngiti at nag-aalis ng kasiyahan sa pag-iisip ng ating mga anak na dumaranas ng puyat, pagkakait sa mga aktibidad ng pagiging bata. Sa ibang bansa, ang mga batang hindi pumasa ay nilalait at maaaring humantong ito sa pagpapatiwakal ng bata, at pati ng kanyang magulang.

​Binigyang-diin ni Prof Zhu Yongxin( 2016) ang iba’t ibang mga disbentahe ng “exam-oriented education” na tinataguyod ng mga kolehiyo:

1. Kalaban ito ng dekalidad na edukasyon sa mga paaralang elementarya at sekondarya at humaharang sa pagpapagaan ng mga pasanin ng mga mag-aaral.

2. Kalaban ito ng pagpapasigla ng awtonomiya ng mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral sa pagpili ng mga propesyonal na talento.

3. Kalaban ito sa pagbibigay ng pinag-uri-uring patnubay para sa iba’t ibang lugar at institusyon ng mas mataas na pag-aaral.

Sa madaling salita, kaaway ng dekalidad na edukasyon ang “exam-oriented education” na walang pagpapahalaga sa pagtuklas at paglikha ng bago, walang espasyo sa praktis sa aplikasyon ng mga teorya at konsepto, at walang puntos ang talento sa sining, isports, musika,sayaw, at pakikipag-kapwa tao.

Ipinaliwanag ni Prof Zhu na ang “college entrance examination” ay hindi dapat manatiling tanging pamantayan para sa pagsukat ng tagumpay sa edukasyon. Ang pamahalaan ng Komunistang Tsina ay tahasang nagpahayag na ang edukasyon ay dapat magbigay ng kahalagahan sa pagkamalikhain, praktikal na kakayahan, at pagpapalitan ng kalakal at serbisyo ng mga mag-aaral, at dapat bigyang-pansin ang pagsasanay sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pagkolekta at pagproseso ng impormasyon, kakayahan sa pagkuha ng bagong kaalaman, kakayahan sa pag-aaral at paglutas ng mga problema, pati na rin ang kakayahan sa pag-aaral at paglutas ng mga problema sa wika at buhay panlipunan.

​Idinagdag ni Prof Zhu na sa mga tuntunin ng pagbabalangkas ng tanong sa pagsusulit, dapat pagsamahin ang mga layunin ng pagsusulit sa mga layunin ng pagtuturo; malinaw na sagutin ang mga tanong kung bakit dapat suriin, ano ang susuriin, at kung paano susuriin. Tumuon tayo sa pagsusuri sa kakayahan ng mga mag-aaral sa aplikasyon ng kaalaman. Ang mga layunin sa pagtuturo ay dapat na “gradient” at “stratified”, at isinasaalang-alang ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagkatuto at antas ng pisikal at mental na pag-unlad at magsikap na lubos na maiugnay ang mga layunin ng pagsusulitsa mga layunin sa pagtuturo.

Pinapayuhan ni Prof Zhu ang mga unibersidad at kolehiyo na bigyan ng importansya ang iba pang mga salik na mapagbabatayan sa pagtanggap ng estudyante: mga markang akademiko ng mag-aaral sa huling tatlong taon sa sekondaryang paaralan; ang reputasyon at kabantugan ng punong guro at master teachers ng sekondaryang paaralan; mga sangguniang liham ng guro; mga espesyal na talento ng mga ekstrakurikular na aktibidad ng mga mag-aaral, mga resulta ng kumpetisyon, mga sertipiko ng merito, mga serbisyong panlipunan, mga sariling sulat na aplikasyon ng pagpapakilala na sinulat mismong aplikante; mga rekomendasyon mula sa mga taong ginagalang sa lipunan, at mga kinakailangang interbyu sa lupono komite ng pagpasok.

Maraming aspeto ang reporma sa edukasyon, na haligi ng pambansang kaunlaran. Bukod pa sa paglalagay ng bastanteng pondo sa edukasyon, tamang midyum ng pagtuturo at pagsusulit na nakasentro sa kaalaman ng bata, pag-aangat ng mga guro samata ng lipunan at mahusay na pagsasanay sa kanila, mahalaga rin na mawala ang “exam oriented education”- ang kaaway ng “quality education”.

AUTHOR PROFILE