Alvarez Dating Speaker Pantaleon Alvarez

EX-SPEAKER BINIGYAN NG 10 ARAW

May 6, 2024 People's Tonight 73 views

Para tumugon sa Ethics complaint 

BINIGYAN ng 10 araw ng House committee on ethics si dating Speaker Pantaleon Alvarez upang sagutin ang reklamong isinampa laban sa kanya kasama na ang kanyang panawagan sa mga sundalo na iatras ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“The allegations are very serious. The committee has given him 10 days from receipt of the order, for him to answer the complaint filed by Tagum City Mayor Rey Uy,” ani Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon, miyembro ng House committee on ethics and privileges na pinamumunuan ni Rep. Felimon Espares, sa ginanap na pulong balitaan.

Ayon kay Bongalon, nagpasya na rin ang komite sa ginanap na pulong noong Mayo 2 na magpatawag ng pagdinig matapos ang 10 araw.

Sinabi pa ni Bongalon, na isa ring miyembro ng tinatawag na “Young Guns” sa Mababang Kapulungan, na natanggap na ng tanggapan ni Alvarez ang kopya ng reklamo sa pamamagitan ng registered mail, gayundin sa pamamagitan ng e-mail na ipinaabot sa pamamagitan ng kanyang chief of staff.

“During our initial consideration, we found that the Uy complaint was sufficient both in form and in content as well,” ayon kay Bongalon na isa ring abogado, kung saan kabilang din sa kakaharapin ni Alvarez ang madalas nitong pagliban sa Kamara.

“His (Alvarez’s) remarks were dangerous, libelous and seditious, both in appearances and statements,” ayon pa kay Bongalon kay Alvarez, na kilalang malapit na kaibigan at nagsilbing Speaker sa unang dalawang taon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at napatalsik sa puwesto noong Hulyo 2018.

Sinabi pa ng Bicolanong kongresista na tatlong paglabag ang haharapin ni Alvarez sa House ethics panel. Ito ay ang Code of Conduct of the House of Representatives, hindi maayos na pag-ugali at ilang mga batas kabilang na ang libel, batay na rin sa Revised Penal Code.

Una na ring nilinaw ni Bongalon na ang isasagawang imbestigasyon kay Alvarez ay kaugnay sa magaspang na pag-uugali at walang kinalaman sa politika.

“I just want to clarify that this complaint started because a case was filed against him. So, the committee on ethics has to act on the complaint filed,” ayon sa mambabatas.

Nagkataon lamang, ayon kay Bongalon, na ang inirereklamo ay isang miyembro ng Mababang Kapulungan, na kinakailangang bigyan ng tugon ng komite.

Matatandaan na sa isang rally ng mga taga-suporta ng mga Duterte sa Tagum City noong Abril 14, nanawagan si Alvarez sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bawiin ang suporta kay Pangulong Marcos, na siya namang tumatayong commander-in-chief ng AFP.

AUTHOR PROFILE