Risa Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros

Ex-DU30 adviser susi sa hiwaga ng POGO — Risa

July 15, 2024 PS Jun M. Sarmiento 170 views

“POGOs are one big happy family with Pharmally incorporators.”

Ito ang tinuran ni Senate Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros sa isang panayam kung saan ay kinumpirma ng senadora na ang kontrobersiyal na dating economic adviser ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ay kapatid ng isa sa mga sinasabing incorporator na kinilalang si Hongjiang Yang, na nagpondo diumano ng HongSheng na Philippine offshore gaming operation (POGO) company na ni-raid sa Bamban, Tarlac, kamakailan lamang.

“Malaking susi si (dating adviser) sa hiwaga ng POGO. Connect the dots to Duterte na possible din koneksyon. ‘Yan ang dahilan kung bakit gusto natin silang marinig upang maintindihan natin kung anong kinalaman ng mga ito sa isa’t isa,” ani Hontiveros.

Sinabi niya na mataas ang posibilidad na ang dating adviser ay may kaugnayan din sa POGO na kasalukuyang iniimbestigahan sa Senado bunga ng kaugnayan nito sa maraming ilegal na gawain.

Ayon kay Hontiveros, lumalabas sa mga papeles ang koneksyon ng mga ilegal na POGO gayundin ng kontrobersiyal na Pharmally scam, bilang isang malaking pamilya na may kaugnayan ang mga nasa likod nito sa isa’t isa.

“Kagaya nga ng koneksyon ni Gerald Cruz na isa sa mga incorporator ng Brickhartz Techonologies Inc. na siya rin corporate secretary ng Pharmally Biological,” paglalahad ni Hontiveros, na siyang chair ng Senate committee on women na nagiimbestiga sa ilegal na POGO.

Ayon pa kay Hontiveros, si Cruz na konektado sa Pharmally Biological ay sinasabing konektado rin kay Huang Su Yen na idinidikit sa umano’y malaking money laundering na kaso saTaiwan, at sinasabing konektado rin kay Allan Lim, o mas kilala bilang Lin Wei Ziong, na minsan ng isinabit ang pangalan sa importasyon umano ng shabu sa bansa.

Binanggit din ni Hontiveros na dawit din si Cruz sa Phil FullWin Corporation kung saan presidente ang dating adviser at itinuturo din na siyang may-ari ng Xionwei Technologies Inc.

Ang Xionwei Technologies at Brickhartz Technoloies ay pagmamay-ari umano ng dating adviser at iisa ang pangalan ng email address na para kay Hontiveros ay hindi normal at isang malaking palaisipan.

“Itong si Gerald Gruz ang makikita natin na link between the POGO in Bamban ni Alice Guo at ng dating presidential adviser ni Duterte… And through their email address, Brickhartz and Xionwei, maiuugnay sa pangalan ni (dating adviser) ang operasyon nito,” ani Hontiveros.

Samantala, ang Pharmally Biological at Pharmally Pharmaceutical Corporation ay sister company na siya namang may kinalaman sa kontrobersiyal na government procurement sa overpriced umano na supply ng mga kagamitan sa COVID-19 nang kasagsagan pa ng pandemya.

Base sa ulat, si Cruz ay affiliated sa Huang Tzu Yen, kung saan ang presidente nito ay ang pangulo rin ng Pharmally Biological company at Pharmally Pharmaceutical Corporation na umamin na ang dating adviser ang nagpahiram sa kanila ng puhunan noong panahon ng pandemya.

Si Cruz ay sinasabing corporate secretary din ng Phil Full Win Group of companies na iniuugnay din sa dating adviser.

“Malinaw na malinaw na base sa email address na lamang ni Gerald Cruz sa POGO ni Alice Guo at (dating adviser) na may isang email address sa Brickhartz at Xionwei, konektado ito sa pangalan ni (dating adviser). At maliwanag din na organisadong operasyon ito na may pare-parehong mga taong involved at kasabwat ang mga ilan na nasa kapangyarihan,” pahiwatig ni Hontiveros.

Sinasabing napakaraming negosyo ang nasapo ng mga kumpanya diumano ng dating adviser noong panahon ng administrasyong Duterte.

“Alam naman natin na sa panahon na ito ng dating pangulo nagkaroon ng de facto open-door policy and POGO kaya’t ngayon ay nahaharap tayo sa napakaraming negatibong epekto. ‘Yan din ang dahilan kung bakit nais natin silang makadalo upang maibigay ang kanilang katuwiran at kaliwanagan para sa ating lahat,” giit ni Hontiveros.

Samantala, matatandaan din na ang Brickhartz ang sinasabing service provider na iniuugnay sa POGO hub sa Bamban, na sinasabing sangkot din sa mga kriminalidad tulad ng kidnapping at human trafficking.

Sinabi rin ni Hontiveros na mahalagang makadalo ang mga personalidad na ito sa pagdinig upang maibigay din nila ang kanilang mga katuwiran sa maraming tanong na bumabalot sa kaisipan ng lahat, para na rin aniya sa kaliwanagan ng taumbayan.

“Kaya hindi po dapat gamitin ni Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping ang mental health issue. I assure her na kapag mag-attend po siya ay natural na mawawala ang kanyang mga mental health issues na ganito. Ang kailangan lamang po ay humarap siya,” giit ni Hontiveros.

Gayundin ang sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, kung saan hinimok niyang magpakita na lamang si Guo upang aniya ay maalis ang duda sa kanya at sa iba pang personalidad na imbitado rin sa pagdinig.

“She must understand that no one is above the law. To simplify everything, she must obey and follow the law,” ani Gatchalian na nagsabing siya lamang ang makalulutas ng kanyang problemang kinakaharap sa kasalukuyan.

Sa ilalim ng bisa ng kapangyarihan ng Senado, sa pamumuno ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, ay sinilbihan na ng warrant of arrest si Guo at ang mga kapatid nitong sina Shiela, Wesley at Siemen; gayundin ang ama nitong si Jian Zhong Guo; at ang sinasabing nanay nito na si Lin Wen Yi; at si Dennis Cunanan na dating Technology and Livelihood Resource Center director na convicted sa graft.

Samantala, si Nancy Gamo na family accountant ay nasa poder na ng Senado matapos mahuli ito ng Senate Sergeant-at-arms, na sinasabing makapagbibigay ng malaking kaliwanagan sa maraming isyung bumabalot sa POGO at kay Guo.

“Naniniwala po tayo na maraming bagay ang maliliwanagan sa pamamagitan ni Ms. Nancy Gamo bilang accountant,” ani Hontiveros.

Bagama’t sinilbihan din si Guo ng arrest warrant ng Senate Sergeant-at-arms sa tulong ng Philippine National Police (PNP) Special Weapons and Tactics (SWAT) sa kanyang opisina sa Bamban, sa bahay nito sa Bamban at QJJ Farm ay hindi naman siya natagpuan.

Nilinaw naman ng kanyang abogado na si Atty. Stephen David na iginigiit niyang dumalo si Guo sa susunod na pagdinig na nakatakda sa Hulyo 29.

Sinigurado rin ni David na nasa bansa pa si Guo at hindi lumalabas gaya ng mga napaulat.