
Estudyante utas sa rider
PATAY ang 23-anyos na estudyante na binaril ng rider na nakaaway niya sa kalsada noong Huwebes sa Palayan City, Nueva Ecija.
Kinilala ng Nueva Ecija police ang biktima na si alyas Ken, estudyante at naninirahan sa Brgy. Padre Crisostomo, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Lumabas sa pagsisiyasat na ang biktima at mga kamag-anak sakay ng van patungo sa Palayan City proper.
Pagsapit sa isang kurbadang bahagi ng NE-Dingalan road sa Brgy. Imelda Valley, biglang sumulpot ang isang rider na may babaeng backrider kaya biglang huminto ang van.
Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawang grupo at matapos ito bumunot ng baril ang rider at pinaputukan ang biktima sa tiyan.
Isinugod sa Dr. PJG Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival habang tumakas naman ang dalawang suspek.