
Escudero nagluksa sa pagpanaw ni Pope Francis
NAKIKIISA si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa buong bansa at sa pandaigdigang komunidad ng mga Katoliko sa pagdadalamhati sa pagpanaw ni Pope Francis, na kinumpirma ng Vatican noong Abril 21, 2025.
Ang Santo Papa, na 88 taong gulang, ay iniulat na pumanaw sa kanyang tirahan sa Vatican bunsod ng komplikasyon mula sa dobleg pulmonya at iba pang matagal nang iniindang karamdaman.
Sa isang pahayag mula sa kanyang opisina, pinarangalan ni Escudero ang yumaong pinuno ng Simbahan bilang “a true shepherd of Christ’s flock,” na ang pamumuno ay lumampas sa mga hangganang panrelihiyon at sumasalamin sa mga pagpapahalaga ng kapayapaan at inklusibidad.
“His tireless efforts to foster peace and inclusion reshaped the Church’s role in promoting unity across religious and cultural divides,” ani Escudero.
Binigyang-diin ni Escudero ang kasaysayang kahalagahan ni Pope Francis bilang kauna-unahang Latin American na Santo Papa at pinuri ang kanyang dedikasyon sa pagbibigay-lakas sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Ayon kay Escudero, “he brought their voices to the forefront of his papacy and inspired the world with his message of love and acceptance.”
Binalikan din ng Senate President ang di-malilimutang pagbisita ng Papa sa Pilipinas noong 2015 — isang pastoral na paglalakbay na tinatayang dinaluhan ng mahigit anim na milyong katao sa pagtatapos na Misa sa Maynila, isa sa pinakamalaking pagtitipon ng Santo Papa sa kasaysayan.
Ang pagbisita ng Papa sa Tacloban, kung saan nakipagkita siya sa mga nakaligtas sa Bagyong Yolanda, ay nag-iwan ng matinding alaala sa maraming Pilipino.
“Pope Francis’ 2015 visit to the Philippines remains etched in our hearts. During his time here, he consoled those affected by Typhoon Yolanda and called for solidarity and care for the most vulnerable among us. His words of ‘mercy and compassion’ continue to guide the Filipino people in building a society rooted in empathy and understanding,” saad ni Escudero.
Habang sinisimulan ng Vatican ang siyam na araw ng pagluluksa patungo sa libing ng Papa sa St. Peter’s Square, nanawagan si Escudero sa mga Pilipino na ipagpatuloy ang mga pagpapahalagang itinaguyod ni Pope Francis.
“Let us carry forward his vision of a world united in peace and kindness. May his dedication to inclusion and harmony inspire us to nurture our shared humanity,” aniya.
Sa pagtatapos na may malalim na damdaming pansarili at pambansa, ipinahayag ni Escudero ang pasasalamat ng bansa sa wikang Filipino: “From a grateful nation, paalam at maraming salamat, Pope Francis! Rest in eternal peace.”
Ang pagpanaw ni Pope Francis ay nagtatapos sa isang makapangyarihang pamumuno na binigyang-halaga sa pagsasaayos ng Simbahan, pagtataguyod ng katarungang panlipunan, at pakikipag-ugnayan sa mga tao mula sa iba’t ibang antas ng buhay. Inaasahang magtitipon ang conclave sa mga susunod na linggo upang ihirang ang kanyang kahalili.