Allan

Edsa traffic

September 2, 2024 Allan L. Encarnacion 318 views

NAIINTINDIHAN natin ang frustration ni Congressman Richard Gomez habang naiipit siya sa halimaw na Edsa traffic.

Sabi niya, mula Ayala papuntang QC, nasa isa hanggang dalawang oras na siyang naiipit.

Nito lang nakaraang dalawang linggo, nanggaling ako ng Seda Hotel sa Bonifacio Global City. Alas kuwatro y medya ng hapon nang umalis ako sa parking ng hotel. Naisip ko ring dumaan sa Edsa dahil sa tingin ko mas madali kasi ang punta ko lang naman ay sa Greenhills, San Juan.

Lahat ng programa sa radyo, lahat ng music sa Spotify ay narinig ko na, naroon pa rin ako sa Edsa dahil sa tindi ng trapik. Inabot na rin ako ng inip at inis pero wala naman akong magawa habang nakatingin sa maluwag na Edsa busway. Habang pasipul-sipol ang mga bus driver, ang mga tax payers na private car naman, kasama na ang mga Grab at taxi ay kunot na ang noo sa inis.

Dumating ako sa aking pupuntahan sa Greenhills, halos 8 p.m. na. Ibig sabihin, tatlong oras at kalahati para sa distansiyang wala pang 5 kilometers. Terible na ito, kung si Satanas ang kamiting ko noong oras na iyon, baka sinibat na ako ng umaapoy na tinidor dahil sa pagkapanghal sa paghihintay sa akin.

Hindi pangkaraniwan ang haba ng oras para sa ganoong kaigsing distansiya. Kaya nga ramdam natin ang pinaghuhugutan ng panawagang ito ni Congressman Gomez na buksan ang Edsa busway kapag ganoon na katindi ang trapik. In all fairness kay Richard, wala naman siyang sinabing partikular na tao or posisyon ang dapat bigyang-daan sa Edsa busway kapag ganoon kagrabe ang sitwasyon. General ang kanyang pagkakabanggit, ibig sabihin, padaanin ang lahat, hindi naka-specific or partikular kung sino. Masyadong binigyan ng malisya ng iba na “self-entitled” ang pagkakaunawa sa sinabi ni Gomez pero mali sila!

Wala tayong masamang tinapay sa MMDA, lalo na kay Acting Chairman Artes or kay Col. Popoy Lipana. Pero kapansin-kapansin na parang tinatanggap na lang nila ang Edsa situation na ganoon araw-araw. Parang ang importante sa kanila ay umaandar ang mga bus, nakadaan ang mga ambulansiya at mga VIP and emergency sa busway habang ang 95% ng mga sasakyan ay hindi gumagalaw sa Edsa.

Hindi natin nakikitaan ng mga enforcers ang mga Edsa, lalo na sa mga bottleneck area kaya lalong nagkakaroon ng anarkiya ang mga driver. Sa tingin natin, kung frustrated ang mga motorista, mukhang para sa MMDA ay hopeless naman ang Edsa. Malungkot ito para sa mga tax payers, sa mga middle class at sa mga superclass na tulo-laway sa mga pasahero ng bus sa carousel.

Ang tanong natin kila Chairman Artes at Col. Lipana, kuntento na ba sila sa problema ng Edsa? Hindi ba naglalatag man lang ng mga solusyon? Hindi ko alam kung ang kawalan nila ng pag-asa sa Edsa ay repleksiyon na rin ng kawalan ng pag-asa sa publiko sa kanilang liderato.

Hindi masama ang panukala ni Congressman Gomez, ang totoo may sense at logical. Kung nakakapag-zipper lane nga tayo sa Skyway, sa Nlex at Slex kapag matindi ang sikip ng mga sasakyan, wala namang masamang gawin din ito sa Edsa busway para mabatak ang trapiko sa Edsa, lalo na kapag peak hours.

Madalas naman talaga, mabibilang mo sa daliri ang bus na dumadaan sa Edsa carousel. Kung may mga contigency plan lang ang MMDA na ipinatutupad sa Edsa bus kapag kailangan, wala tayong nakikitang mali sa panukala ni Gomez. Atleast mataas ang sintido-kumon ni congressman kumpara sa ibang nasa pamahalaan.

Ang pagpapabaya sa majority ng motorista na naiipit sa Edsa trapik habang pinapaboran ang mga bus ay isa ring uri ng lideratong hindi katanggap-tanggap sa parehas at balanseng pamamahala.

And by the way, ipinapaalala ko lang, ang mga bus operators and drivers ang unang nagprotesta at tumutol noong ginagawa ang Edsa busway system tapos sila ngayon ang nakikinabang nang husto. At iyong middle class and taxpayers, naiwanan sa kangkungan!

Kakalungkot di po ba?

[email protected]