Bong Go

EDAD 80, 90 BIBIGYAN NA NG CASH GIFT

September 27, 2023 People's Tonight 447 views

Sen. Go ikinagalak amyenda sa Centenarians Law

IKINAGALAK ni Senador Christopher “Bong” Go ang pag-apruba ng Senado sa Senate Bill No. 2028 sa ikatlo at huling pagbasa.

Ang panukalang batas, na co-author at co-sponsor si Go, ay pangunahing itinaguyod ni Senator Imee Marcos. Layon nitong mabigyan ng lifeline ang mga senior citizens na makatutuntong sa edad na 80 at 90 taon.

Unang inaprubahan ng House of Representatives ang counterpart version ng panukalang batas noong Marso 21.

Sa ilalim ng Centenarian Act of 2016, ang P100,000 cash gift ay ibinibigay sa mamamayang Pilipino na umaabot sa edad na 100.

Gayunpaman, dahil hindi lahat ay umaabot sa edad na isang siglo, si Go at ang mga kapwa mambabatas ay isinulong na gawin itong 80 at 90 taong gulang.

“Nasa kultura na nating mga Pilipino na alagaan ang ating mga nakakatanda. Dapat natin silang suportahan at bigyan ng pagkilala. Habang kaya pang pakinabangan at ma-enjoy ng senior citizen ang cash gift, ibigay na natin sa kanila. Maganda rin na may inaasahan ang ating senior citizens na 80, 90 at 100 years old. Anuman ang halaga, maaari itong maging inspirasyon sa kanila para mas maging positibo ang kanilang pananaw at mag-improve ang kanilang katayuan,” ani Go.

Ipinaliwanag niya na, kung magiging batas, bibigyan ang mga aabot sa 80 at 90 anyos ng cash gift na nagkakahalagang P10,000 at P20,000, ayon sa pagkakabanggit.

“Suportado ko ang anumang hakbang na magpapabuti lalo na sa kalusugan at kapakanan ng ating mga senior citizen. Tayong mga Pilipino ay napaka family-oriented,” ani Go.

Sinabi ni Go na malaki ang maitutulong ng tulong pinansyal na ito sa pagtiyak na ang mga matatanda ay makapamuhay nang marangal at komportable sa kanilang ginintuang taon.

Ang panukalang batas ay hindi lamang kumikilala sa malaking kontribusyon ng senior citizens bagkus ay umaayon din sa pangako ng gobyerno na lumikha ng lipunan na nagpapahalaga sa matatandang populasyon nito.

“Bilang isa sa vulnerable groups, kailangan ng mga matatanda natin ang tulong at suporta ng pamahalaan. Kaya itong cash gift ay sigurado akong malaking tulong sa kanila,” idinagdag ng senador.

Iniakda rin ni Go ang Republic Act No. 11916, na nag-amyenda sa RA 7432 na nagtataas sa monthly pension allowance ng senior citizen mula P500 hanggang P1,000.

Sa ilalim ng batas, ang buwanang stipend ay ibibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa anyo ng cash, direct remittance, electronic transfer, o iba pang paraan ng paghahatid.

AUTHOR PROFILE