
Ebolusyon sa paghingi ng tulong
NOONG araw, ang mga humihingi ng tulong, may mga opsiyon na ginagawa.
Una, mamasahe or maglalakad patungo sa iyo. May mga effort na ginagawa para makarating sa kanilang hihingian ng tulong.
Kasama sa kanilang risk ay kung wala sa bahay ang kanilang hihingian ng tulong or kaya naman, wala ring perang maibibigay ang hinihingian nila ng tulong.
Sa bahagi naman ng hinihingian ng tulong,mayroon din siyang mga opsiyon. Una, maglalagay siya ng malaki at mabangis na aso sa pintuan para hindi makapasok ang hihingi ng tulong, pangalawa, kapag kumatok sa bahay nila ay puwede siyang magtaingang-kawali na huwag pansinsin kahit dinadabog na ang kanyang bintana. Or kaya naman, ibilin mo sa kasama mo sa bahay or sa kapitbahay mo na wala ka kahit naroon ka naman.
Ngayon, kakaiba na ang paghingi ng tulong, hindi na maglalakad, hindi pa mamasahe. Ang importante lang, mayroon kang load sa cellphone or may koneksiyon ka sa wifi. Hindi pa rin naman nawawala ang dati nang istilo ng mga humihingi ng tulong na mamasahe at maglakad kung walang pamasahe.
Sa bahagi naman ng hinihingian ng tulong, wala ka nang kawala, sa tubig, sa dagat, sa kalawakan at kahit nasaang lupalop ka pa ng mundo, basta may signal, malalambat ka ng mga humihingi ng tulong.
May Gcash na, may online banking at kung anu-ano pang paraan ng e-wallet. Pinagaan din ng sistemang ito ang buhay ng mga nahihingan ng tulong pero mas nabigyan ng malaking pabor ang mga humihingi ng tulong.
Kahit tulog ka, pagkagising mo, ang unang bungad na mensahe sa iyo ay ang paghingi ng tulong. Kung hindi man sa telepono mo, nasa messenger mo na. Mayroon pa rin namang matiyaga na magpupunta sa iyo kahit madaling araw or kahit anong oras para tiyak na sakote ka.
Okey lang naman ang tumulong, ang totoo, maraming tao ang sagad na sagad sa pagtulong, iyong tipong hindi nagbibilang ng mga natulungan. Iyong buong maghapon niya ay walang ginawa kung hindi magpadala ng pera kung saan-saan at kung kani-kanino. Ang totoo, may mga taong nauubos ang laman ng kanyang Gcash dahil sa pagtulong.
Ang naging problema lang naman, bukod sa nagturo ng katamaran ang mga e-wallet para sa mga regular na humihingi ng tulong, nagbigay rin ito ng dahilan para diktahan ka ng mga humihingi ng tulong. Iyong parang may ipinatago sila sa iyo at obligado mo silang padalhan ng pera.
Iyong iba, magmula sa pamalengke, pamasahe, pambili ng bigas, may mga sakit na anak, nasa ospital ang kapamilya, pang-upa ng bahay, pang-bayad ng kuryente, name it, we have it. Iyong para kang one stop shop na kaya mong sagutin lahat ng problema nila na idadagan sa iyo.
Ang iba sa mga ganito, bahagi ka ng programa ng kanilang buhay, mayroon talaga silang cycle na sa loob ng isang buwan, may uulit ng dalawa, mayroon naman isang linggo lang pagitan at iba naman, parang nasa payroll mo na kasi regular ka nang nahihiritan.
Ang nagiging konsuwelo mo na lang, ikaw talaga iyong paborito nila pero kung minsan, sa dami nila, talagang tutuyuin ang Gcash mo na sagad hanggang sahig.
Pare-pareho ang kuwentong ito ng mga kaibigan ko na humingi na ng tulong sa akin para daw maihinga man lang nila ang problema nila sa pagtulong.
Idinamay pa nila ako sa problema nila gayong nanahimik ako at naglilista ng mga hihingian ko naman ng tulong sa mga darating na araw.
Walang masamang humingi ng tulong pero dapat pagpapahingahin nyo rin ang mga tumutulong para magkaroon naman ng pagkakataon ang iba. Sabi nga, huwag naman talbos nang talbos, payabongin naman para mas marami ang makinabang.