
E-PUVs byaheng Maynila
INIHAYAG ni senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson ang plano niya na solusyunan ang modernisasyon ng transportasyon sa Maynila na agarang sinang-ayunan ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Nitong Martes ay inanunsyo ni Manong Chavit ang kanyang plataporma para sa modernization ng public transportation sa siyudad sa harap ng daan-daaang mga senior citizens na nagtipon sa SM Manila.
Ayon sa senatorial candidate, nais niyang dalhin sa siyudad ang isang fleet ng 22-seater electric public utility vehicles (PUVs) upang maibsan ang matinding problema sa trapiko na nararanasan sa Maynila at upang mapagaan ang buhay ng mga pasahero at commuters.
Kasama niya sa planong ito si Domagoso, na nangako rin na sisiguraduhin na available ang supply ng mga electric vehicles sa mga transport groups habang si Manong Chavit naman ang sasagot sa pagpondo sa gagawing roll out ng mga E-PUVs.
Ang mga E-PUVs ay mayroong mga modernong amenities gaya ng air conditioning at CCTV upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero. Eco-friendly rin ang mga electric motors kaya naman siguradong makakabawas ito sa carbon footprint ng siyudad.
Ang kampanya ni Manong Chavit, kandidato sa pagkasenador sa 2025, na gawing moderno ang transportation sector sa bansa ay nakakakuha na ng malawakang suporta mula sa mga grupong naghahangad nang pangmatagalang solusyon sa trapiko at polusyon sa Metro Manila.
Sabi pa ni Manong Chavit, layon niyang magtatag ng isang mas ligtas at mas maaasahang transit system sa pamamagitan ng mga modernong E-PUVs kung saan makakatulong rin ito sa pagsulong ng mga environmental advocacies ng bansa.
Isa lamang ito sa maraming mga plano ni Manong Chavit na nais niyang matupad sakaling palarin siya na maging senador. Kabilang rin sa kanyang mga isinusulong ay ang VBank card na magbibigay access ng digital banking services sa mga Pilipino at ang Chavit500, isang unified basic income proposal na naglalayong solusyunan ang kahirapan sa bansa.