War Sa pagdinig, binanggit ng human rights lawyer na si Jose Manuel Diokno na umabot sa 20,322 drug suspect ang nasawi sa unang 17 buwan ng Duterte administration o halos 40 ang pinaslang araw-araw. File photo ni JONJON C. REYES

DU30, BATO WELCOME SA KAMARA

June 6, 2024 People's Tonight 81 views

Para dumalo sa pagdinig sa war on drugs probe —Abante

WELCOME na pumunta sina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayon ay Sen. Ronald dela Rosa sa isinasagawang imbestigasyon ng House human rights committee kaugnay ng extrajudicial killings sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Ito ang sinabi ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., chair ng House human rights committee, sa pagdinig noong Miyerkoles bilang tugon sa hiling ni Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Party-list na mayroong mga tanong na sina Duterte at Dela Rosa ang makakapagbigay ng kasagutan.

“What I can promise…is that we will be informing again Senator dela Rosa on the next hearing, and if he would like to attend, sabihin na natin do’n na if you would like to come, you are welcome,” sabi ni Abante.

“We are also going to inform, para sa ikagagalak ni Congressman Manuel, we’re going to inform the former president on this hearing. Okay? ‘Pag na-inform siya, eh nasa kanya na ‘yon kung pupunta siya o hindi,” pagpapatuloy nito.

“But I would like to give full respect to the former president. Although he might not be…exempt from this investigation, yet I think we should give full respect to the former president being a public official also. So we’re going to inform the former president on this,” dagdag pa ng kinatawan ng Maynila.

Sa paghiling sa komite na imbitahan sina Duterte at Dela Rosa, sinabi ni Manuel na mayroong mga tanong na hindi masasagot ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno na mayroong kinalaman sa pagkamatay ng libu-libong katao sa ginawang pagpapatupad ng war on drugs.

“Mr. Chair sabi po dito reference for the Project Double Barrel, nakalista po mga documents, pero unang-una, part A, pronouncement of President Rodrigo R. Duterte to get rid of illegal drugs during the first six months of his term…Kasi ang inimply nito Mr. Chair in cases na merong mga hindi pagkakaunawa ‘yon ating pulis do’n sa paano i-implement, sa mga parts na silent or vague itong command memorandum circular (CMC), magiging reference ng mga supposedly law enforcement agencies natin ay ‘yong pronouncement ni Presidente,” sabi ni Manuel.

Ipinunto ni Manuel na si Duterte ang ginawang “primary reference” sa CMC.

“Kaya Mr. Chair we think na maliban sa mga police officials natin, kasi it’s also former president Duterte who even included kahit ‘yong AFP natin, may panahon din na ‘yong AFP ininvolve sa war on drugs, kaya Mr. Chair tingin natin meron ding mga tanong na hindi lang ‘yong mga agencies natin ‘yong makakasagot pero mismo ‘yong dating pangulo din,” sabi ng kinatawan ng Kabataan Party-list.

Makapagbibigay-linaw din umano si Dela Rosa sa mga tanong dahil siya ang hepe ng pambansang pulisya ng ipatupad ang war on drugs.

“Kaya in addition sa ating pagtingin din, na dapat ‘yong former PNP chief si Ronald dela Rosa ay maimbitahan,” saad pa ni Manuel.

Sa pagdinig, binanggit ng human rights lawyer na si Jose Manuel Diokno na umabot sa 20,322 drug suspect ang nasawi sa unang 17 buwan ng Duterte administration o halos 40 ang pinaslang araw-araw.

Ayon kay Diokno, binanggit ito sa resolusyon ng Korte Suprema noong 2018 at nakasaad sa 2017 yearend achievement report ng Office of the President.

Sa bilang na ito, ayon kay Diokno 3,967 ang napatay ng mga pulis sa kanilang mga operasyon at 16,355 ang pinatay ng riding in tandem o hindi kilalang personalidad.

Bilang tugon sa sinabi ni Diokno, sinabi ng Salvador Medialdea, ang Executive Secretary ni Duterte, na kung totoo man na ibinigay ang achievement report sa Korte Suprema ito ay bahagi ng privileged communication ng Office of the President.

“I cannot disclose that because I’m barred,” sabi ni Medialdea.

Sinabi ni Medialdea na nakakalito na rin ang mga lumalabas na impormasyon kaugnay ng sinasabing nasawi sa war on drugs campaign.

“Kasi sir maraming (data), may 3,000 na pinatay, merong 6,200,” wika pa ni Medialdea. “ Ngayon ho nagulat ako, merong 20,000, Eh ano naman ho ito, saan galing ‘yong 20,000 na ‘to?”

“I don’t think I’ve seen that report po,” dagdag pa nito.

AUTHOR PROFILE