
Domestic tourism susi sa pagbuklod, paglago ng PH
ANG domestic na turismo ay susi upang magkaroon ng national unity na hangad ng bawat mamamayan, sapagkat ito ay simpleng paraan upang mapagbuklod ang bawat Pilipino sa isa’t isa.
Ito ang giit ni Senadora Nancy Binay na nagsabing dapat aniyang magsimula nang bigyan ng kahalagahan ng bawat Pilipino ang pagtangkilik sa sariling bansa sa pamamagitan ng domestic tourism.
Hinihikayat niya na magbiyahe ang mga kababayan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.
“Kung tayo mismo ay pinagmamalaki ang kagandahan ng ating bansa, ito ang magiging susi upang maenganyo natin ang mga turista na silipin at alamin kung anong mga nakatagong ganda meron ang Pilipinas. Eto ang simpleng paraan upang tulungan natin ang ating mga kababayan,” ani Binay.
Sinabi niya na dapat lamang ay bigyan ng kahalagahan ang industriya ng turismo na siyang makapagbibigay ng hanapbuhay sa maraming kababayan.
“And when they are proud of what we have, they will be the one to promote to their friends abroad what we can offer here in our country. Sabi nga, tangkilin natin ang sariling atin,” dagdag ni Binay na siyang chairwoman ng Senate committee on tourism.
Ayon kay Binay, napakalaking industriya ang bubuksan ng turismo gaya aniya ng mga handicraft at mga souvenir items, pati na rin ang maraming mga lokal na produkto tulad ng kakanin, pasalubong, mga kutkutin pati na ang maliliit at malalaking restoran, gayundin ang mga lokal at maliliit maging mga malalaking hotels.
Dagdag pa ni Binay na hindi kaila sa marami ang ginagawang promosyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibang bansa, upang maenganyo ang maraming negosyante na pumasok sa Pilipinas para lumakas ang ekonomiya nito.
Ang turismo, ayon kay Binay, ay isang malaking tuntungan na dapat ikonsidera dahil na rin aniya sa natural na yaman at ganda na angkin ng bansa.
“Napakarami nating isla. Sa 7,107 na isla ay isang daang isla lamang ang napagtutuunan ng pansin. Napakasayang ng iba pang magagandang lugar na hindi pa natin nabibigyan ng pansin at hindi pa rin na po-promote here and abroad. Bilang Pilipino, importante po na tulungan natin ang bawat isa sa pamamagitan ng pag- promote natin ng magagandang lugar sa ating bansa sa social media,” ani Binay.
Sa pamamagitan aniya ng domestic tourism, makakaahon ang bansa ng dahan-dahan kung ang mga mamamayan mismo ang tatangkilik sa sariling yaman at kagandahan nito.
Ipinaliwanag ng senadora na ang lokal na turismo ay magbubukas ng hanapbuhay sa maliliit na kababayan at magbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino na makatutulong sa ekonomiya.
“Kapag alam nating ipagmalaki ang ating sariling bayan, magtitiwala ang mga foreigner at sila mismo ay maniniwala sa atin. Pupuntahan tayo upang makita ang mga ipinagmamalaki natin at eto ang natural na marketing principle ng turismo. Tangkilin muna natin at mahalin ang ating sariling bayan upang makumbinsi natin ang mga banyaga na tingnan ang mga pinagmamalaki nating lugar sa ating bayan,” paliwanag ni Binay.
Inihalimbawa din ni Binay ang Japan, Thailand, Indonesia at maging ang United States, kung saan ay binigyan ng malaking insentibo ang lokal na turismo at naging daan upang maenganyo ang kanilang mga kababayan na ikutan at alamin ang sariling yaman ng kanilang bansa.
Binida ni Binay ang kanyang paggiit na bigyan ng budget ang kada rehiyon sa 2024 General Appropriations Act sa pamamagitan ng Department of Budget and Management, kung saan ang kada rehiyon ay hindi na kailangan pang maghintay ng matinding suporta sa Department of Tourism national budget para lang ma-promote ang kanilang turismo.
“We should help each region like Palawan, Baguio, Cebu, etc. and even the West Philippine Sea, where we can feature our Spratly Island, Bajo de Masinloc as tourist destinations. We can start to build pier and other means of transportation. Napakaganda po ng Pilipinas and we should not forget this,” giit ni Binay.
Ani Binay, ang iba’t ibang gimik at stratehiya tulad ng festival promotions, consumer promotions, special events at maging ang travel shows ay importante upang makapagimbita ng mga turista sa bawat rehiyon.
Base na rin sa pag-aaral ng international economist, ang turismo ang tinitingnan sa kasalukuyan na pinakamalaking industriya na siyang nagaakyat ng maraming pera at kabuhayan sa napakaraming bansa, tulad ng mga kapitbahay ng Pilipinas sa Asya gaya ng Japan, Singapore, Indonesia, Thailand at marami pang iba.
“That is why tourism is very important. This will help us economically because tourism is the only industry that we can use our assets, culture, our history and most of all, our natural resources in a sustainable manner. Mayaman ang ating history at kultura and our tourism policy must be anchored on the promotion also of our historical and cultural heritage,” giit ni Binay.