Quiboloy

DOJ DAPAT IMBESTIGAHAN NA SI QUIBOLOY

January 3, 2024 People's Tonight 262 views

Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas:

HINIMOK ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas ang Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Brosas, dapat nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang DOJ kaugnay ng mga akusasyon na kinakaharap ni Quiboloy sa Estados Unidos at mga alegasyon sa religious group nitong Kingdom of Jesus Christ.

“Anong ginagawa ng DOJ?” tanong ni Brosas. “Kailangan niyang (Quiboloy) harapin itong mga reklamo na ito na alam natin ipinagsawalang-bahala noong panahon ng Duterte administration.”

Sinabi ni Brosas na isinantabi ng nakaraang administrasyon ang mga akusasyon laban kay Quiboloy na kilalang malapit kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Si Quiboloy ay iniugnay sa diumano’y isang criminal conspiracy na kinabibilangan umano ng sex trafficking, child sex trafficking, money laundering, marriage and visa fraud, at iba pang federal offense.

“The [Philippine] government must immediately extradite Quiboloy,” sabi ni Brosas.

Nauna nang ibinasura ni Quiboloy ang mga akusasyon laban sa kanya na sinabi nitong gawa-gawa lamang at isang religious at political persecution.

Hinamon ni Quiboloy ang gobyerno ng Estados Unidos na ilabas ang mga ebidensya laban sa kanya at iginiit na siya ay “bulletproof.”

Noong 2022, inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang “most wanted” poster ni Quiboloy.

Ayon sa FBI, si Quiboloy ay sangkot umano sa isang labor trafficking scheme.

Dinadala umano ng grupo ni Quiboloy ang mga miyembro ng kanilang sekta sa Estados Unidos gamit ang mga kahina-hinalang visa upang manghingi ng donasyon.

Ang nalilikom na donasyon ay ginagamit umano sa operasyon ng simbahan at marangyang pamumuhay ng mga lider ng sekta.

Mayroon na ring inilabas na federal warrant laban kay Quiboloy noong Nobyembre 10, 2021.

AUTHOR PROFILE