DMW

DMW, DA magko-collab para sa OFWs na papasok sa agribusiness

June 6, 2024 Jun I. Legaspi 121 views

NANGAKO ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Agriculture (DA) na tutulong sa mga nagbabalik na overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya na magnenegosyo sa agrikultura.

Nilagdaan ng mga opisyal ng DMW at DA noong Hunyo 5 ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa pagbibigay ng suporta at teknikal na ayuda sa mga OFW na papasok sa agribusiness bilang bahagi ng ‘entrepreneurship development initiatives’ sa ilalim ng reintegration program para sa mga OFWs at kanilang pamilya.

“Magandang negosyo at investment ang sektor ng agrikultura para sa mga mahal nating OFWs,” ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac.

Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang DMW at DA sa pagbuo ng training programs sa pagnenegosyo, lumikha ng mga forums at iba pang aktibidad para sa mga OFWs.

Magsasagawa ang DMW ng Financial Awareness Seminars at Small Business Management Training (FAS-SBMT) para sa mga kwalipikadong OFWs para maumpisahan ang kanilang agribusiness.

Magbibigay naman naman ang DA ng serbisyo sa pag-develop sa agribusiness kabilang ang tulay sa merkado, financing at suportang teknikal.

“Kinikilala natin ang mga sakripisyo at pagsisikap ng ating OFWs sa pagbibigay ng oportunidad sa trabaho sa loob ng bansa. Nais naming makita na magtagumpay ang mga OFW sa agrikultura at iba pang negosyo,” ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

AUTHOR PROFILE