Ortega House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

DML ORTEGA: TEAM CHINA IBASURA, TEAM PINAS TAYO

April 27, 2025 People's Tonight 146 views

NAGBABALA si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union kaugnay ng panghihimasok ng China upang maimpluwensyahan ang paparating na halalan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kandidato na magtataguyod ng kanilang interes sa Senado at pahinain ang demokrasya ng bansa.

Naglabas ng pahayag si Ortega matapos ang mga pagsisiwalat ng National Security Council (NSC) sa mga pagdinig ng Senado, kung saan ibinunyag ang umano’y lihim na kasunduan sa pagitan ng Chinese Embassy sa Maynila at isang lokal na public relations firm para magpatakbo ng troll farm na sumisira sa mga institusyon ng Pilipinas at sa publiko.

“This is no longer just foreign influence. This is foreign interference—designed to infiltrate our politics, confuse our people, and weaken our country from the inside,” sabi ni Ortega.

Dagdag pa niya: “May mga kandidatong tumatakbo ngayon na halatang may basbas ng banyagang interes. This is not just unacceptable. This is treasonous. Sa darating na halalan, we must reject Team China. Pilipinas dapat ang panalo, hindi ang banyaga. Team Pilipinas tayo.”

Ayon sa mga opisyal ng NSC, pinalalakas ng mga lokal na social media proxies ang mga naratibong suportado ng estado ng China, na nagtatangkang sirain ang tiwala ng publiko sa mga ehersisyo ng depensa ng bansa, binabatikos ang mga halal na opisyal, at unti-unting hinuhubog ang opinyon ng publiko bago ang halalan sa Mayo.

“Let me be clear: kung may kandidato na kumakampi sa China habang inaangkin ang ating teritoryo, habang tinatarget ang ating militar at pamahalaan, hindi ‘yan lider. Hindi ‘yan makabayan.

That’s a puppet, not a public servant,” sabi pa ni Ortega.

Kinondena niya ang tinawag niyang isang “well-funded and well-orchestrated digital assault” laban sa mga botante ng Pilipinas, na may alegasyong ang pera mula sa China ang pinagmulan ng mga troll operations na lumikha ng mga pekeng online persona para magpalaganap ng pro-China na mensahe, habang inaatake ang Pangulo, mga miyembro ng Kongreso, hudikatura at sandatahang lakas.

“Hindi ito simpleng online noise. This is an attack on our democracy. Binabayaran ang ating mga kababayan para siraan ang sarili nating bansa,” babala ni Ortega.

“Sinisira ng Team China ang tiwala ng mga tao sa halalan—at ginagamit pa ang ilang kababayan natin para gawin ito,” giit niya.

Hinimok ni Ortega ang mga botante na maging mapagmatyag at mapanuri, lalo na sa mga kandidatong inuulit ang mga naratibo na kontra-Balikatan, kontra-Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) o pabor sa Beijing.

“May script na galing sa Beijing. At meron tayong mga lokal na tumutugtog ng script na ‘yan. The Filipino people must reject them,” sabi pa niya.

Nanawagan din si Ortega para sa agarang pagsasampa ng mga kasong kriminal at pagpasa ng mas mahihigpit na batas laban sa dayuhang panghihimasok sa eleksyon.

“Hindi ito panahon ng katahimikan. Panahon ito ng paninindigan. We must act now—before foreign powers succeed in choosing our leaders for us,” ayon pa kay Ortega.

Nangako si Ortega na ang Kongreso, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay gagawin ang lahat upang mapangalagaan ang integridad ng halalan at papanagutin ang lahat ng sangkot sa sabwatan.

“Ang halalan ay para sa Pilipino. Walang lugar dito ang mga banyagang interes na nais tayong hatiin at pahinain. Hindi natin papayagan na ang kinabukasan ng bayan ay diktahan ng banyaga. Team Pilipinas tayo—buo, matatag at handang lumaban,” diin pa ni Ortega.

Habang papalapit ang halalan, sinabi ni Ortega na ang taumbayan ay nahaharap sa isang mahalagang pagpili.

“The choice in May is simple: piliin natin ang tunay na maka-Pilipino, o hayaang ang China ang mamili ng mga lider natin. For the sake of our future, our freedom and our flag—we must choose wisely,” sabi ni Ortega.

AUTHOR PROFILE