
DML Ortega sa socmed ‘pakulo’ ni Harry Roque style nila mas bulok
BINATIKOS ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union si dating presidential spokesperson Harry Roque kaugnay ng patutsada nito sa social media habang nasa The Hague, Netherlands, at tinawag na bulok ang istilo nito ng pag-iwas sa mga isyung dapat na sagutin.
“Magaling sila sa ganun eh. ‘Yun talaga ‘yung style nila na mas bulok. So, sa tingin ko talaga forte nila, lalo siya, medyo magaling sila sa ganoong pamamaraan,” ani Ortega, kasabay ng pagbibigay diin na maalam ang publiko sa mga napapanahong isyu at kayang suriin ang paglilihis lang sa atensyon.
Patuloy ang paggawa ni Roque ng mga vlog at social media content. Pinakahuli rito ang video noong Abril 7 kung saan inakusahan niya ang administrasyong Marcos na ginagamit ang isyu sa China para ilihis ang galit ng publiko sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Sagot ni Ortega, magaling lang si Roque sa pagtatanggol sa mga agresibong aksyon ng China at walang sinasabing pabor sa Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea.
“Magko-comment lang sila in defense of the aggressive tactics of China. Pero pagdating po sa sarili nating bansa, sa West Philippine Sea, hindi naman po sila nagsasalita,” ani Ortega.
Naniniwala naman si Ortega na hindi pa uuwi ng bansa si Roque.
“Baka hindi na umuwi ‘yun nitong mga susunod na taon. Ewan ko. Hindi ko alam kung paano siya nagiikot e. Sa palagay ko hindi pa babalik ‘yun,” sabi ni Ortega.
Iniiwasan umano ni Roque ang mga reklamong inihain sa kanya gayundin ang iniutos na pag-aresto sa kanya ng Kamara kaya hindi ito uuwi.
“May mga kaso siya at saka meron po ‘yung inaantay na patawag sa kanya sa Kongreso,” punto niya.
Pina-contempt ng House quad committee si Roque matapos tumanggi na isumite ang mga dokumento na may kaugnayan ng malaking paglobo ng kanyang yaman na iniuugnay sa iligal na mga Philippine offshore gaming operation (POGO).
Si Roque ay inireklamo ng qualified human trafficking dahil sa kanyang kaugnayan sa Lucky South 99, isang POGO na nakabase sa Porac, Pampanga.
Ayon sa mga otoridad, may direktang kaugnayan si Roque sa iligal na recruitment sa operasyon ng kompanya.
Sa kabila ng pag-iwas sa pananagutan, gumagawa si Roque ng mga content na bumabatikos sa administrasyon.
Para kay Ortega, ang ganitong ugali ni Roque ay patunay na sanay siya sa pag-iwas gamit ang mga ganitong taktika.
“Tinatakbuhan nila ‘yung proseso. Tinatakbuhan nila ‘yung Kongreso. Tinatakbuhan nila ‘yung mga dapat nilang harapin,” sabi ni Ortega.