
Dizon, lubos na nagpasalamat sa matiwasay na ‘Araw ng Maynila’

NAGPAABOT ng mensahe si Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Andre P. Dizon sa mga Manilenyo bilang pasasalamat sa naging matagumpay na pagdiriwang ng “Araw ng Maynila” nitong Hunyo 24, 2023.
Ayon sa tinaguriang “The Game Changer General,” naging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng pagkilala sa pagkakatatag ng Lungsod ng Maynila.
Aniya, walang naiulat na krimen o anumang kaguluhan sa nasabing lungsod at nabawasan din umano ang mga karahasan dulot ng holdapan at maging patayan diumano batay sa mga ipinadalang ulat ng 14 na police stations.
Aniya, ito ay bunga ng tulong na rin ng mga kapulisan at station commanders na walang sawang nagpapatrolya at pagpapairal ng programang “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations” (SACLEO) at “Oplan Galugad” sa kani-kanilang nasasakupan.
Ayon pa sa heneral, naging maayos din ang nasabing selebrasyon dahil sa ginawang pagbabantay at seguridad na inilatag ng mga kapulisan sa bawat kalye sa Lungsod Ng Maynila.
Sinunod din nila ang nasabing mensahe ng “Ina Ng Maynila” na si Manila Mayor Maria Sheilah Honey Lacuna-Pangan na “(Nais) ko sa ating mga kapulisan ay hindi lamang nakikitang nakatayo sa kalsada, bagkus kumikilos at tumutulong sa kaayusan na nasa paligid niya.”